Politiko, kontratista ihahalo sa ordinaryong preso MGA CORRUPT MAGIGING KAKOSA NG MGA KRIMINAL

MAGIGING kakosa ng mga ordinaryong kriminal ang mga politiko, opisyal ng DPWH, at mga kontratistang masasangkot sa multi-billion peso flood control scandal, matapos ihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na handa na ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa kanilang pagkukulungang pasilidad.

Sa pulong-balitaan sa New Quezon City Jail sa Payatas, binigyang-diin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na walang special treatment ang sinomang mapatutunayang sangkot sa katiwalian.

“Handa na kami. We are not backing out of our obligation to fulfill our role as the office in charge of all jails in the Philippines,” ani Remulla.

Hindi rin nagpaligoy-ligoy ang kalihim sa paghahambing: “Kung ang nagnakaw ng P100 sa SM o ang shoplifter ng lotion ay ikinukulong dito, aba’y ‘yung nagnakaw ng bilyones — dito rin dapat ikulong!”

Ang bagong Quezon City Jail, na nasa sampung kilometro lang ang layo sa Sandiganbayan, ang posibleng maging “bagong tirahan” ng mga opisyal at kontratistang masasampahan ng kaso.

“The rules of the jail will apply to the rich and to the poor the same,” dagdag pa ni Remulla.

Ang naturang kulungan ay may 80 dormitories at kayang maglaman ng 800 detainees — sapat para sa mahigit 200 kataong inaasahang kakasuhan sa mga susunod na linggo.

Nilinaw naman ng kalihim na ang korte pa rin ang magpapasya kung saan ikukulong ang mga akusado, at kapag nahatulan, lipat agad sa maximum prison ang mga ‘bigatin’ sa kasong ito.

(JESSE RUIZ)

18

Related posts

Leave a Comment