PATAY ang limang kalalakihang hinihinalang mga hijacker mula sa isang organized crime group, nang masabat ng mga tauhan ng Regional Highway Patrol Group (RHPG)-Cordillera at Tuba Municipal Police Station (MPS) sa Taloy Sur, Marcos Highway, Tuba, Benguet nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Ayon kay P/Capt. Marnie Abellanida, tagapagsalita ng Police Regional Office Cordillera, patay sa encounter ang limang hijacker nang matunton ng mga tauhan ng HPG kasunod ng hot pursuit operation na ikinasa ng mga pulis matapos nilang matanggap ang flash alarm dahil sa pag-hijack sa isang wing van truck na may plakang ADH 3116, sa La Trinidad, Benguet.
Sa huling impormasyong nakalap ng HPG, tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Marcos Highway sakay ng kulay abuhin na sports utility vehicle na walang plate number.
Nang masabat ng mga alagad ng batas ang mga suspek ay tinangkang pahintuin ang mga ito ngunit sa halip na huminto ay pinaputukan ang mga awtoridad kaya nagkaroon ng engkuwentro.
Wala namang nasugatan sa hanay ng pulisya.
Kaugnay nito, kasalukuyan pang bineberipika ng RHPG-Cordillera at Tuba MPS ang pagkakakilanlan ng mga suspek dahil dalawa rito ay nakasuot ng uniporme ng pulis at may mga PNP (Philippine National Police) ID habang ang isa pa ay nakuhanan ng NBI (National Bureau of Investigation) ID.
Bukod sa mga ID ay nakuha rin sa encounter site ang apat na short firearms at isang long firearm. (JESSE KABEL)
