INIUTOS ni Philippine National Police chief, Gen. Debold Sinas na imbestigahan ang pitong pulis ng Binangonan, Rizal dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa extortion activities at pakikipagsabwatan umano sa isang nakakulong na pulis.
Nabatid na kabilang sa mga sabit sa kaso kasunod ng isinagawang operation ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), si Lt Col. Ferdinand Ancheta, ang hepe ng Binangonan PNP, dahil sa ‘command responsibility’.
Kinilala ang mga pulis na iniutos na isailalim sa pagsisiyasat na sina PSMS. Randy Andanar, PSSG. Joel Acosta, PSSG. Joe Sevillena, PCPL. Allan Alvarez, PCPL. Marson Tayaban at PCPL. Ew Armenis
Inatasan din ni Sinas si PNP-Region 4A (CALABARZON) regional police director, BGen. Felipe Natividad na magsagawa ng malalimang imbestigasyon.
Ito kasunod ng inilunsad na entrapment operation ng PNP-IMEG kung saan sinasabing dawit ang pitong pulis.
Nabatid na nitong nakalipas na Martes, isang entrapment operation ang inilatag ng PNP-IMEG kung saan naaresto ang dalawang indibidwal na kinilalang sina Albert Domingo alyas Joel, at Pablo Dolfo, pawang civilian assets ng Binangonan Police Station.
Tinukoy ng IMEG na ang dalawa ang siyang nasa likod ng pag-extort ng pera sa isang Stephen Kellu kapalit ng na-impound na motor vehicle, kung saan sangkot umano ang anim na pulis ng Binangonan PNP.
Inihayag ni IMEG Director Col. Thomas Frias, kanila ring nadiskubre sa nasabing operasyon na isang ‘person under police custody’ na kinilalang si Police Corporal Archieval Perez, na nahaharap sa kasong infidelity at walang piyansang inirekomenda ang korte, ay wala sa loob ng kulungan at siyang nagsilbing lookout sa nangyaring extortion pay-off, gamit ang dalawang cellphone.
Tinukoy umano ng biktima na sangkot din sa insidente ang anim pang police personnel ng Binangonan PNP. (JESSE KABEL)
