(NI NICK ECHEVARRIA)
UMAABOT sa kabuuang 76 na magkakaibang uri ng malalakas na armas ang nakumpiska ng Police Regional Office (PRO) 12 sa buong nasasakupan ng SOCCSKSARGEN simula nang ipatupad ang Comelec gun ban noong January 13.
Ayon kay PRO 12 Regional Director P/BGen. Eliseo Tam Rasco, nakumpiska ang mga nabanggit na armas mula sa mga nahuling lumabag sa mga police operations tulad ng pagsisilbi ng mga warrant of arrest, checkpoints/chokepoints at mga pagresponde ng kanyang mga tauhan sa buong rehiyon.
Resulta ito ng mahigpit na direktiba ni Rasco sa mga city directors at chief of police na paigtingin ang pagpapatupad ng comelec gun ban sa kanilang mga nasasakupan sa pakikipagtulungan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang mga law enforcement agencies para mapigilan ang anumang election related violence at iba pang kriminalidad sa Region 12 sa panahon ng halalan.
Sa apat na Police Provincial offices at dalawang City Police Offices na nasasakupan ng PRO 12, pinakamarami ang nakumpiska sa South Cotabato Police Provincial Office (SCPPO) na may 26 na armas, 19 sa Cotabato Police Provincial Office (CCPO), sinundan ng Sarangani Police Provincial Office (SPPO) na mayroong 11, samantalang 10 sa General Santos City Police Office, 9 sa Sultan Kudarat PPO at 1 naman sa Cotabato City police Office (CCPO) mula January 13 hanggang March 29, 2019.
Ipinagmalaki naman ni Rasco na habang papalapit ang 2019 midterm electon wala pang naitatalang kahit isang election related incident sa buong Region 12 at umaasang mapapanatili nila ito hanggang sa matapos ang election.
Patuloy ang apela ni Rasco sa mga mamamayan ng Region 12 na ibigay ang 100% na suporta sa PNP at AFP sa pamamagitan ng agarang pagsuplong sa pinakamalapit na istasyon ng pulis o kampo ng militar sa mga kahina-hinalang personalidad sa kanilang mga lugar.
145