LAGUNA – Nahaharap sa kasong attempted parricide ang isang 18-anyos na binata matapos habulin ng saksak ang kanyang ama nang hindi bigyan ng pera ng huli sa Biñan City sa lalawigang ito, noong Biyernes ng hapon.
Nakakulong na sa Biñan police station locked up cell ang suspek na si Bernie Vergara Jr. matapos madakip ng mga barangay tanod at i-turn-over sa mga pulis.
Batay sa report, nagkakape sa kanilang bahay ang amang si Bernie Vergara Sr. nang lumapit ang suspek at humingi ng pera.
Nang tumanggi ang ama, umalis ang suspek ngunit bumalik na armado ng kutsilyo at sinugod ng saksak ang biktima.
Nakatakbo palabas ng bahay ang ama habang naharang mga tanod ang humahabol na anak.
Desidido naman ang ama na sampahan ng kaso ang kanyang anak. (NILOU DEL CARMEN)
