BATANGAS NAGTALA NG 45.5 CELSIUS HEAT INDEX

taginit12

(NI KIKO CUETO)

PATULOY na nararamdaman ang init ng temperatura sa bansa bunsod na rin ng El Nino phenomenon.

Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng tumaas pa ang temperature dahil sa nararanasang tag-tuyot.

Naitala ng ahensya ang pinakamataas na heat index sa Batangas nitong Linggo na umabot sa 45.5 degrees Celsius.

Nairekord ito sa kanilang istasyon sa Ambulong, Batangas.

Ito ang pinakamataas na heat index na naitala para sa araw na iyon.

Paliwanag ng Pagasa, umabot sa 53.7 degrees Celsius ang heat index sa Laoag City noong Marso 16, at 48.2 degrees Celsius naman sa Dagupan City noong Abril 3.

Sinabi ni weather specialist Meliton Guzman, dapat ay mag-ingat ang mga Pinoy dahil delikado ang init.

Ayon naman kay Health Secretary Francisco Duque, mahalagang uminom ng mula walo hanggang 12 baso ng tubig para maiwasan ang dehydration.

Kapag na-dehydrate ang isang tao, maaari itong maging sanhi ng mas malalang kondisyon tulad ng heat exhaustion at heat stroke na maaaring ikamatay.

“Heat exhaustion muna, tapos heat stroke. Ang heat stroke, more than 40 degrees Celsius ang lagnat,” paliwanag ni Duque.

“Kapag na-dehydrate, apektado ang organs,” dagdag pa niya.

Payo rin ni Duque, umiwas sa direktang sikat ng araw mula 9 a.m. hanggang 5 p.m.

Kung hindi umano maiiwasan ang paglabas sa ganitong mga oras, mahalagang gumamit ng sunblock at magdala ng payong.

Bukod sa matatanda, pinag-iingat rin ang mga bata sa epekto ng matinding init.

 

218

Related posts

Leave a Comment