TINUTUTUKAN ngayon ng pulisya ang anggulong personal na galit at pagbangga sa malalaking isda sa droga nang pagbabarilin at mapatay ang dating Cebu City prosecutor na si Mary Ann Castro.
Si Castro ay tinambangan Huwebes ng gabi sakay ng kanyang dilaw ni kotse sa kahabaan ng Escario St., Barangay Kabutao.
Sinabi ng pulisya na dati nang aktibo sa trabaho si Castro sa pagpapakulong sa mga drug-related cases noong prosecutor pa siya. Limang tama ng bala sa katawan at isa sa leeg na posibleng pumatay sa kanya.
Kasabay nito, mahigpit na kinondena ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Cebu Chapter ang pananambang.
Sinabi ni Mundlyn Martin, president na umaasa silang hindi matatabunan ang kaso ni Castro na umano’y isang matuwid at matatag sa kanyang panunungkulan at itinuturing na isa sa mga iginagalang na abogado sa lalawigan.
“Umaasa kami na hindi mapapabilang ang kaso ni Castro sa ilan na hindi na nalutas hanggang ngayon,” sabi pa ni Martin.
198