CALAMITY FUND ILALABAS; GASTUSIN SASAGUTIN NG PCSO

pcso12

TINIYAK ng Philippine Charity  Sweepstakes Office(PCSO) ang agarang pagpapalabas ng calamity fund para sa lalawigan ng Pampanga na napuruhan sa 6.1 magnitude quake na tumama sa Luzon noong Abril 22.

Nitong Huwebes ay personal na naglibot sa Porac,Pampanga si PCSO Director Sandra Cam upang makita ang pinsala ng lindol  gayundin para malaman ang mga pangangailang-medikal ng mga biktima.

“Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte ay narito ang PCSO para umalalay sa mga biktima ng earthquake, ibibigay na natin agad ang tulong para magamit na kung kailan nila kailangang kailangan at susunod na lang ang mga documentary requirements,”pahayag ni Cam.

Nakipag-usap din si Cam kay Porac Mayor Carling dela Cruz at tiniyak na matagal na ang araw ng Lunes ,April 29,  para matanggap ng LGUs ang ayuda ng PCSO.

Ipinaliwanag ni Cam na ia-assess ng  PCSO Board ang sitwasyon sa mga lugar na naapektuhan ng lindol kung saan pagbabatayan din ang report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office(PDRMO) at dito ibabatay kung magkano ang halaga ng tulong na ibibigay.

“Yung tulong ng PCSO ay magiging depende sa lawak ng naging pinsala at sa dami ng pamilyang naapektuhan kaya makakaasa ang lahat na may assistance sila na matatanggap mula sa PCSO,”dagdag ni Cam.

Ang ayuda ng PCSO ay direktang ibibigay sa LGU na sya nang bahala kung anong tulong ang ibibigay nito sa mga biktima.

Bukod sa calamity fund ay may medical assistance rin na ibinibigay ang PCSO sa mga biktima na nasa ospital sa pamamagitan ng kanilang Individual Medical Assistance Program(IMAP).

Samantala, binisita rin ni Cam ang Jose Lingad Memorial Regional Hospital kung saan nakaratay ang ilang mga biktima ng lindol, ipinangako ng PCSO na anumang kakulangan sa hospital bills ng mga biktima ay kanila nang sasagutin.

“Ang gawin nyo na lamang ay magdasal at magpalakas, ang gobyerno ang iintindi sa inyong gastusin sa ospital,”giit ni Cam.

Ang dalawang empleyado ng Chuzon supermarket na sina Maria Lourdes Martin, 25, at Desiree Pacun na limang taon nang nagtatrabaho sa supermarket na kapwa naputulan ng binti matapos madaganan ng bumagsak na semento ay maaaring maibalik pa sa nornal ang buhay dahil sasagutin ng PCSO ang paglalagay sa kanila ng artificial leg.

 

202

Related posts

Leave a Comment