CHINA WALANG KARAPATAN SA LAW ENFORCEMENT SA LOOB NG EEZ NG PH

ITO ang naging matigas na paninindigan ng National Task Force for the West Philippine Sea kasunod ng nangyaring habulan at gitgitan sa pagitan ng Philippine Coast Guard at China Coast guard kasama ang ilang Chinese maritime militia, sa bisinidad ng Ayungin Shoal kasunod ng panibagong Resupply and Reprovisioning Operation ng militar para sa mga sundalong nasa BRP Sierra Madre.

Ayon kay National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya, walang awtoridad ang China na magsagawa ng law enforcement operations sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Paglilinaw ito ni ADG Malaya kasunod ng panibagong ‘narratives’ ng China Coast Guard na nagsasagawa sila ng law enforcement operations sa Ayungin Shoal nitong nakalipas na Biyernes, Setyembre 8, nang muling magsagawa ng RoRe mission ang AFP at PCG sa karagatang saklaw ng Pilipinas.

Hindi man gumamit ng water cannon ay agresibo pa rin ang insidente ng pagbuntot at pagharang ng barko ng China sa Pilipinas sa pinakahuling resupply mission sa Ayungin Shoal kung saan sinubukan pang gitgitin ng barko ng China ang Phil. Coast Guard at ang binabantayang resupply boat patungong Ayungin Shoal na saklaw ng EEZ ng bansa.

Nilinaw pa ni Malaya na tanging ang gobyerno ng Pilipinas ang mayroong sovereign rights sa law enforcement operations sa lugar dahil nasa loob ito ng EEZ ng bansa.

Mariin ding kinondena ng NSC official ang illegal, aggressive, at destabilizing conduct ng CCG at CMM sa loob ng exclusive economic zone ng bansa.

Dahil sa pambu-bully at patuloy na panggigipit ng China ay nag-apruba ang Mataas na Kapulungan ng isang resolusyon na lumilikha sa Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones na tatalakay sa lahat ng Maritime Zone bills at Archipelagic Sea Lanes bills.

Ang mga panukalang ito ay pinaniniwalaang magpapatibay lalo sa ating posisyon salig na rin sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). At upang mas mapalakas ang hakbang ng bansa sa mga claim natin sa WPS. (JESSE KABEL RUIZ)

135

Related posts

Leave a Comment