KINUMPIRMA ng pulisya kahapon na ang package na nakuha ng mga mangingisda sa Vinzons town sa Camarines Norte noong Lunes ng hapon ay cocaine na nagkakahalaga ng P4.5 milyon.
Sinabi ni Chief Insp. Maria Luisa Calubaquib, spokesperson ng Bicol Police Regional Office na ang kahon na nakuha sa Barangay Sabang ay kumpirmadong cocaine na may timbang na 899 gramo.
Nauna nang inireport na isang mangingisda, si Jerry Aceron, ang nakakita sa package na nababalutan ng plastic at rubber tape sa karagatan ng Barangay Aguit-it.
Ibinigay ito ni Aceron sa isang residente na kinilalang si Agustin Mendoza at sa takot na lason ang laman nito dahil sa mabahong amoy ay ibinalik itong muli sa dagat.
Agad namang hinanap ng mga pulis ang package at natagpuan ngunit basa na ang loob nito.
Ito na ang ikalawang kahon na nakuha ng mga mangingisda sa lugar.
Noong Linggo, nakakuha rin ang mga mangingisda ng kahon na may lamang higit isang kilong cocaine na nagkakahalaga ng P5.4 milyon malapit sa Quinamanucan Island sa Barangay Sula.
235