(NI JG TUMBADO)
MAHIGPIT nang binabantayan ngayon ng mga otoridad ang aktibong pagkilos ng umano’y mga dayuhang terorista na iniuugnay sa Islamic State (IS) sa ilang lugar sa Rehiyon 12 (SOCCSKSARGEN).
Sinabi ni Supt. Aldrin Gonzales, ang tagapagsalita ng Police Regional Office 12, sa ngayon ay patuloy ang mga dayuhang bandido sa paghihikayat ng mga bagong miyembro mula sa Sultan Kudarat at North Cotabato.
Paliwanag ni Gonzales, naramdaman ng mga otoridad ang pagpasok ng mga terorista nang marekober mula sa serye ng operasyon ng militar at pulisya ang maraming bandila ng IS.
Sa kabila ng presensya, tiniyak ni Gonzales na kontrolado pa rin ng mga otoridad ang seguridad sa rehiyon.
Samantala, nakumpiska ng mga operatiba ng Police Maritime Group ang tinatayang 500 kilo ng mga sangkap sa paggawa ng bomba habang limang indibidwal din ang naaresto sa karagatan ng Barangay Taluksangay, Zamboanga City, Sabado ng umaga.
Nabatid mula kay Senior Supt. Jacob Macabili, ang Maritime-9 regional chief, ang pagkakakilanlan ng mga suspek na sina Kadoh Kahamkan, boat operator; Mastal Malsani, may-ari ng bangka; Makaaril Kadaron; Jinaly Atinilda; Ismol Marsani; at Kado Cahamcam, mga crew ng motorboat na may lulang ammonium nitrate, isang explosive component.
Nakalagay umano sa may dalawampung sako na may tig-25 kilo bawat isa ang nasamsam na ammonium nitrate. Nakadetine ang mga suspek na nahaharap sa mga kasong kriminal.
154