KAALYADO NG POLITIKO SA CAVITE, PATAY SA TANDEM

CAVITE – Tinutugis ng mga awtoridad ang isang riding in tandem makaraang pagbabarilin at napatay ang isang negosyante at kaalyado sa pulitika ng isang kasalukuyang kongresista sa lalawigan noong Sabado ng hapon.

Isinugod sa San Pedro Calungsod Hospital ang biktimang si alyas “Jose”, isang negosyante at residente ng Brgy. Magdalo-Potol, Kawit, Cavite subalit namatay habang nilalapatan ng lunas.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo.

Ayon sa ulat, kabababa lamang ng biktima mula sa kanyang sasakyan na isang Nissan Navara at papasok sa kanilang bahay sa Barangay Magdalo-Potol, Kawit, Cavite nang dumating ang riding in tandem at pinagbabaril ang negosyante bandang alas-4:30 ng hapon.

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Bacoor City.

Isinugod naman ang biktima sa ospital ngunit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas.

Sa kanyang Facebook account, kinondena ni Cavite 1st District Rep. Ramon “Jolo” Revilla ang pagpaslang sa biktima na aniya ay isa nitong kaibigan at naka-line up na kumandidato bilang konsehal sa paparating na eleksyon sa 2025 sa ilalim ng kanilang partido sa Unang Distrito ng Cavite.

Naglaan si Revilla ng halagang P500,000 na pabuya sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa mga suspek.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad at inaalam ang motibo sa krimen. (SIGFRED ADSUARA)

43

Related posts

Leave a Comment