(NI JG TUMBADO)
BINALOT ng tensyon ang mga residente sa Barangay Mabolo-Delgado sa Iloilo City dahil sa pagkakadiskubre sa basurahan ng isang kahon na naglalaman ng limang piraso ng pampasabog Miyerkoles ng umaga.
Gayunpaman ay agad itong nai-secure sa mabilis na pagresponde ng ilang tauhan ng Explosives Ordnance Division (EOD) ng Iloilo City Police Office (ICPO) nang iparating sa kanila ang impormasyon ng isang barangay tanod.
Matapos dalhin sa police headquarters upang suriin ang laman ng kahon ay tumambad ang nakasilid na limang pirasong rifle grenade na umanoy ‘buhay’ at nakatakdang sumabog.
Ayon sa inisyal na ulat, sa pagitan umano ng alas 5:00 hanggang alas 9:00 ng umaga posibleng iniwan ng hindi pa tukoy na suspek ang mga pampasabog sa isang basurahan sa nabanggit na lugar.
Bukod pa sa mga pampasabog ay may kasamang isang piraso ng ring flare sa loob ng karton ang nakita.
Sinasabing pawang mga military-issued grenade ang natagpuang mga explosibo kaya inaalam ng pulisya kung sino ang nagmamay-ari ng mga ito.
254