KUWENTUHANG LASING NAUWI SA SAKSAKAN

CAVITE – Nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang 27-anyos na construction worker makaraang saksakin ng nipper ng kanyang kabaro sa kalagitnaan ng kanilang inuman sa bayan ng Gen. Mariano Alvarez sa lalawigang ito, noong Lunes ng gabi.

Isinugod sa CARSIGMA Hospital ang biktimang si Robin Abarillo, binata, ng Brgy. F. Reyes, GMA, Cavite dahil sa saksak sa kanyang tadyang.

Nakakulong na sa GMA Custodial Facility ang suspek na si Ronald Velasco y Abarillo, 42, binata, residente ng Brgy. F. Reyes, GMA, Cavite.

Ayon sa ulat, nag-iinuman ang biktima at suspek sa nabanggit na lugar dakong alas-11:45 ng gabi nang hindi sila nagkaunawaan sa kanilang pinag-uusapan na nauwi sa mainitang pagtatalo.

At dahil nakainom, lalong naasar ang suspek kaya sinaksak ang biktima sa kaliwang bahagi ng tadyang gamit ang isang nipper.

Isinugod ang biktima sa ospital habang ang asawa nito ay humingi ng tulong sa TF Balikatan na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek. (SIGFRED ADSUARA)

117

Related posts

Leave a Comment