LEPTOSPIROSIS CASES TUMAAS NG 76% SA CALABARZON

NAGBABALA ang Department of Health- Center for Health Development (DOH-CHD) Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) sa publiko na mag-ingat sa leptospirosis makaraang makaranas ang bansa ng walang tigil na pag-ulan na nagdulot ng pagbaha.

Partikular na nagbabala si DOH CALABARZON Regional Director Ariel I. Valencia sa mga mahilig magtampisaw, naliligo at naglalaro sa baha. Kung hindi aniya ito mapipigilan ay gumamit ng bota at gloves, at maligo o maghugas gamit ang sabon.

Iniulat ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) na may kabuuang 95 kaso ng leptospirosis. Labing-apat dito ay namatay mula Enero 1 hanggang hanggang Hulyo 29, 2023, at 76% na mas mataas kumpara noong nakaraang taon na 54 kaso.

Ang mga probinsiya na may mataas na kaso noong nakaraang taon ay ang Quezon na may 35 (218%), sumunod ang Rizal, 22 kaso (83%), Laguna, 16 (100%), at Batangas, 3 (44%). Habang ang

Cavite ay nakapagtala lamang ng 9 na kaso, mas mababa kaysa noong nakaraang taon na 14 kaso.

Ang leptospirosis ay nakukuha sa pamamagitan ng kontak sa balat ng anomang bagay na kontaminado ng ihi ng hayop o kontaminadong tubig, gaya ng paglalangoy, pagtatampisaw sa baha.

Makukuha rin ito sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig o mula sa pagkain na kontaminado sa ihi ng hayop gaya ng daga.

Ayon sa DOH-CALABARZON, may nakaantabay na mahigit sa 142,000 doxycycline capsules na handang ipamahagi sa mga apektado ng nasabing sakit. (SIGFRED ADSUARA)

102

Related posts

Leave a Comment