LITRATO NG GUNMAN SA MINDORO BROADCASTER SLAY INILABAS

NANINIWALA ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na malapit nang maresolba ang kaso ng pagpatay kay Cresenciano Aldevino ‘Cris’ Bundoquin, 50, isang broadcaster at radio block timer ng Calapan City, Oriental Mindoro, na pinagbabaril noong Mayo 31, 2023.

Ito ay matapos ilabas ang mga larawan ng kinilalang gunman na si Isabelo Lopez Bautista.

Sa isang pahayag, sinabi ni Usec. Paul Gutierrez, pinasasalamatan ng PTFoMS ang mga kasapi ng media, lalo na sa Mindoro, at iba pang indibidwal, na nagresponde sa kanilang panawagan para sa tulong at kooperasyon sa paglutas ng nangyaring kaso sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kanilang sariling mga panayam at imbestigasyon at pagbibigay ng kanilang natuklasang impormasyon sa PTFoMS.

Noong Biyernes, Hunyo 9, 2023, tuluyan nang isinampa sa Calapan City Regional Trial Court ang kaso laban kay Bautista, matapos ang halos isang linggong evaluation ng prosecutor, kasama si Mrs. Francia Bundoquin, ang biyuda ng biktima, at ang anak nitong si John Mar.

Sinabi ni Mrs. Bundoquin sa PTFoMS, positibong nakilala ni John Mar si Bautista bilang ang gunman na bumaril sa kanyang ama, batay sa postal ID ng suspek na narekober ng pulisya.

Ang mga larawan ni Bautista na natanggap ng PTFoMS mula sa iba’t ibang independent sources, kasama na ang mga litrato nito sa Facebook account bago ito na-deactivate, ay nagpapakita rin na ito ang taong kinilala at tinutukoy ni John Mar na suspek sa krimen.

Isang lokal na miyembro ng media naman ang nagbigay rin ng ilang mga litrato ng suspek sa PTFoMS habang suot lamang nito ang kanyang underwear.

Sinabi ng source na ipinadala ni Bautista ang mga litrato upang pabulaanan ang sinabi ng pulisya na siya ay nasaktan matapos maaksidente ang kanilang motorsiklo sa isang road barrier habang sila ay tumatakas na siyang ikinamatay ng kanyang umano’y kasabwat na si Narciso Ignacio Guntan, ang nagmamaneho sa kanilang getaway vehicle na isang motorsiklo. (NILOU DEL CARMEN)

145

Related posts

Leave a Comment