CAVITE – Pinaglalamayan na ang 76-anyos na lalaki nang masagasaan ng motorsiklo habang papatawid patungo sa simbahan kung saan ibuburol ang kanyang kamag-anak sa bayan ng Alfonso sa lalawigang ito.
Isinugod sa Poblete Hospital ang biktimang si Fernando Catacutan, may asawa, ng Brgy. Taywanak, Ilaya, Alfonso, Cavite ngunit namatay habang nilalapatan ng lunas dahil sa matinding pinsala sa ulo, habang hawak na ng pulisya ang driver ng motorsiklo na si Rey Laurio, 36, construction worker, ng Brgy. Taywanak, Ibaba, Alfonso, Cavite.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Boyet Soriano ng Alfonso Municipal Police Station, dakong alas-10:00 noong Biyernes ng umaga nang mangyari ang insidente.
Patungo umano ang biktima sa simbahan para dumalo sa burol ng isang namatay na kamag-anak ngunit habang tumatawid sa kalsada sa Brgy. Taywanak Ilaya ng nasabing bayan nang mahagip ng isang paparating na motorsiklo na minamaneho ni Laurio. (SIGFRED ADSUARA)
