Militar vs NPA 25-MINUTONG BAKBAKAN SA QUEZON

SINUSUYOD ng pinagsanib na puwersa ng AFP at PNP ang mga liblib na lugar sa lalawigan ng Quezon at karatig probinsiya matapos na makasagupa ng kanilang mga tauhan ang isang grupo ng New People’s Army sa Brgy. Bulo, Mulanay, Quezon noong Martes ng hapon.

Hinihinalang, tangkang maghasik ng kaguluhan ang tinatayang nasa sampung NPA kadre na naka-enkuwentro ng mga operatiba ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army na nakasasakop sa Calabarzon region at MIMAROPA o Region 4-B, ayon kay Army Captain Jayrald Ternio, 2ID Public Affair Office chief.

Ayon kay 2nd Infantry Division commander, Maj. Gen. Greg Almerol nakuha sa isinagawang clearing operation matapos na umatras ang mga kalaban, ang tatlong M16 rifles, isang M203 grenade launcher, AK47 rifle at mga bala mula sa mga miyembro ng Sub-Regional Military Area 4B (SRMA-4B), sa pamumuno ng isang alyas “Marvin”.

Walang naiulat na namatay o nasugatan sa 25 minutong labanan ngunit pinaniniwalang may casualties sa hanay ng mga kalaban dahil sa mga bakas ng dugo na nakita sa encounter site.

Inutos ni MGen. Almerol na huwag lubayan ang pagtugis sa tumakas na NPA members kasabay ng paglalagay ng checkpoint sa mga hangganan na maaaring lusutan ng mga rebelde.

Inilagay sa high alert ng pamunuan ng 2nd ID, ang lahat ng available military assets para agad makapagresponde sakaling kakailangan ng ground forces. (JESSE KABEL)

91

Related posts

Leave a Comment