(NI ABBY MENDOZA)
PERSONAL na iniabot ni Philippine Charity Sweepstakes Office(PCSO) Director Sandra Cam kay Zambales Governor Amor Deloso ang P1.5M tulong ng ahensya para sa mga nasalantala ng 6.1 magnitude quake sa lalawigan noong Abril 22.
Ayon kay Deloso lubos silang nagpapasalamat kay Cam sa mabilis na aksyon ng PCSO, sa loob umano ng 10 araw matapos ang earthquake ay kanila agad natanggap ang tulong pinansyal na maituturing umano na pinakamabilis na tulong lalo pa at ang calamity fund na nagkakahalaga ng P500,000 para sa mga biktima ng Bagyong Ompong na noon pang Setyembre 2018 ay hindi pa rin nila natatanggap.
Bunga nito ay umapela si Deloso kay Cam na syang manguna sa PCSO para matanggap ang hinihintay na calamity fund.
Samantala, nai-turn over na ng tanggapan ni Cam sa Pampanga Provincial Social Welfare ang mga tents, unan, banig at kumot na para sa may 110 pamilya na pansamantalang nanunuluyan sa mga makeshift evacuation center sa Barangay Diza, Porac Pampanga.
Ang mga kumot, tent, banig at unan ay personal na tulong ni Cam sa mga Aetas matapos na rin bumista
ito kamakailan sa kanilang evacuation center, dinatnan nito ang mga Aetas na walang sapin man lamang kapag natutulog at literal na sa lupa ang mga ito nahihiga.
Abot-abot naman ang pasasalamat ni Juanito dela Cruz, barangay chair ng mga Aetas sa ipinaabot na tulong, aniya, matapos ang naranasan nilang lindol at iniwan nila ang kanilang mga gamit ay mahirap na magsimulang muli subalit dahil sa mga tulong ay nakakayanan nila ang araw-araw na pamumuhay.
Una nang nangako ang PCSO na tutulong sa pagpapagawa ng Aetas Community sa Porac Pampanga kung saan itatayo ang kanilang magiging bagong bahay matapos na hindi ideklarang inhabitable ang kanilang lugar dahil na rin sa nagkabitak-bitak ang mga daan na winasak ng lindol.
98