(NI JUN V. TRINIDAD)
NAGBABALA ang kapulisan na huwag matukso ang mga makapupulot ng floating cocaine na ibenta ito sa mga drug supplier kung ayaw nilang masira ang kanilang buhay.
Ito ay matapos makarating sa mga opisyal na nagrereklamo ang mga residente, partikular ang mga mangingisda sa liit ng pabuya na natatanggap kapalit ng napupulot na cocaine sa karagatan o baybaying dagat.
Nabatid na sa bawat isusurendet na pakete ng cocaine na nagkakahala ng hindi bababa sa P5 milyon ay isang sakong bigas o may halagang P2,000 lamang ang ibinibigay sa mga ito.
Dahil sa liit ng pabuya, ilang residente ang nagsabi na may mga taong lumalapit sa kanila upang alukin ng mas malaking pabuya kung sa kanila isusuko ang mga naglulutangang cocaine.
Noong Huwebes ay isa na namang paketo ng kumpirmadong cocaine ang napulot at isinukot ng magkapatid na estudyante sa bayan ng Mauban, Quezon.
Ayon kay De Guzman, nagdonasyon si Chief Supt. Edward Carranza, regional police director in the Calabarzon (Cavite,Laguna,Batangas,Rizal,Quezon) region, ng isang sakong bigas bilang gantimpala sa sinuman na kusang loob na magsusurender ng bawat pakete ng cocaine sa awtoridad matapos nila itong marekober o mapulot.
“Ito ay bilang pasasalamat sa ating mga kababayan,” ang wika ni De Guzman sa isang panayam.
Simula noong February 18 ay tatlong pakete na pawang naglalaman ng cocaine ang natagpuan sa baybaying dagat ng lalawigan – dalawa sa Mauban at isa sa islang bayan ng Perez, na parehong nasa Lamon Bay na sakop ng Pacific Ocean.
Ang tatlong pakete ng cocaine na may kabuuang timbang na 3.6 kilos ay nagkakahalaga ng P15.9 million sa bentahan ng mga adik sa cocaine batay sa umiiral na street price na P5.2 million kada kilo.
Sa panayam ng Bomba sa ilang mangingisda sa lalawigan ng Quezon, “sobrang liit” ang ipinagkakaloob na gantimpala.
“Baka sa kaliitan ay may matukso na ibenta na lang sa mga adik,” ang katwiran ng isang mangingisda.
Muling nanawawagan si De Guzman sa mga mangingisda at residente ng mga baybaying dagat sa lalawigan na huwag matukso sa halaga ng marerekober na cocaine at bagkus ay mabilis na isurender ito sa mga lokal na istasyon ng pulisya.
“Naghahanap pa lang sila ng buyer ay amoy na namin. Mawawasak lang ang kanilang buhay,” ang babala ng beteranong ahente ng pulis.
162