(NI ABBY MENDOZA)
HINIMOK ng International Labour Organization(ILO), isang ahensiya ng United Nations na nangangasiwa sa mga isyung may kaugnayan sa paggawa, ang mga employers sa bansa na tiyaking naipatutupad ang Republic Act 11058 o Occupational Safety and Health Law na nagtitiyak ng pagkakaroon ng ligtas na workplace para sa mga manggagawa na edad 15 anyos hanggang 24.
Sinabi ni Khalid Hassan, Country Director ng ILO-Philippines na nahaharap sa 40% na nonfatal injuries sa trabaho ang mga batang mangagawa na nasa edad 15 hanggang 24 anyos kumpara sa mga may edad nang manggagawa.
“The fact that these young workers are new to the workplace means they are susceptible to intimidation, harassment, and violence in the workplace.”paliwanag ni Hassan kung karaniwang hindi rin umano alam ng mga batang manggagawa ang kanilang karapatan at takot din na magreklamo sa pangamba na mawalan ng trabaho.
Pinangunahan ng ILO Philippines ang Stakeholders Forum on Sustaining Actions on Occupational Safety and Health for Young Workers kasama ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Employers Confederation of the Philippines (ECOP),layon nang nasabing forum na siguraduhin na ligtas at may maayos na working environment ang mga mangaggawa lalo na ang nasa sektor mg construction at agriculture na marami sa manggagawa ay mga bata pa.
Aminado ang ILO na bagamat 2017 pa nang maisabatas ang RA 11058 ay marami pa rin ang hindi nagoobserba ng safe work environment, sa katunayan sa isinagawang survey ng ahensya lumilitaw na marami pa ring young workers ang walang social security coverage, work contracts at hindi maayos na kondisyon sa trabaho.
Sinabi ni Hassan na ang trabaho ay hindi dapat maging dahilan ng kamatayan,aksidente at pagkakasakit, aniya,ang ganitong pangyayri ay may malaking epekto hindi lamang sa pamilya ng empleyado kundi lalo sa employer kaya para makaiwas ay dapat umiiral ang safety at health preventive culture sa workplace.
Hindi dapat umano tignan ng mga employers ang training sa occupational safety at health measures bilang aksaya sa oras at dagdag na gastos bagkus ay tignan ito na malaking investments sa kumpanya na kung walang aksidente ay mas makatitipid.
182