ITINANGGI ng Phivolcs ang pagbuga ng usok sa Mt. Pinatubo sa Zambales kasunod ng malakas na paglindol na naganap noong nakaraang linggo.
Ito ay matapos lumabas sa ilang online website na nagkaroon ng abnormalidad sa Mt. Pinatubo kasunod na 6.1 magnitude earthquake.
Sinabi ng Phivolcs na ang usok na sinasabing ibinubuga ng Mt. Pinatubo ay mga volcanic ash na tinangay ng hangin matapos alugin ng lindol ang paligid.
Nagkaroon din umano ng landslide sa paligid at gumulong ang mga bato sa dalisdis ng bulkan, ayon kay Phivolcs Executive Director Renato Solidum.
“Noon pong nagkalindol, nagka-landslide at kapag gumugulong iyung mga bato, iyung abo ng ’91 eruption saka iyung mga volcanic ash na luma ay napapagpag ng hangin,” sabi nito.
Naniniwala rin ang ahensiya na tatagal pa ng maraming taon bago muling pumutok ang Mt. Pinatubo na ang huli ay noong 1991.
“Wala siyang pinapakitang anumang activity at sa tingin natin magkakaroon pa ng napakaraming taon, daantaon, para makaipon s’ya ulit ng magma na maraming gas,” dagdag pa ni Solidum.
Kasabay nito, sinabi ng Phivolcs director na maglalagay pa sila ng 10 bagong quake monitoring stations kada taon at ilalagay ito sa mga lugar na hindi pa masyadong okupante ng tao.
265