Pasyente nakabalik na sa United Kingdom UK VARIANT NAPIGILAN SA CALAMBA CITY

LAGUNA – Binigyang linaw ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Calamba na hindi na kumalat pa ang napabalitang bagong virus na UK variant.

Ayon kay Dr. Adelino Labro, head ng Calamba City Health Office, mabilis na napigilan ang pagkalat ng UK Variant.

Dahil umano ito sa maagap na pag-self quarantine ng mga kaanak ng pasyenteng lalaking nasa edad 23 taong gulang na health personnel at nagtatatrabaho bilang Radiologic technician sa bansang United Kingdom.

Nilinaw din nito na negatibo ito noong umuwi sa Pilipinas noong Disyembre 6, 2020 at matapos ang dalawang araw ay nagsimula na itong makaramdan ng mga sintomas kaya pumunta sa isang pagamutan sa Maynila at doon nagpa-swab test.

Kinumpirma ng City Health na positibo ang naging resulta nito noong Disyembre 16 at agad itong nag-quarantine ng halos isang buwan.

Nagbigay pahayag naman si Calamba City Mayor Justin Marc Chipeco na nakaalis na ng bansa noon pang Enero 18 ang nasabing pasyente matapos itong magnegatibo muli sa virus. (CYRILL QUILO)

66

Related posts

Leave a Comment