VENDETTA SINISILIP SA PAGPATAY KAY FR. REGALADO

PAGHIHIGANTI dahil sa krimeng panggagahasa at pagsuporta sa pagtuligsa ng mga magsasaka sa mga namamantala sa mga ito.

Ito ang dalawang pangunahing anggulo na iniimbestigahan ng pulisya ng Malaybalay, Bukidnon hinggil sa pagkamatay ni Fr. Rene Regalado.

Si Regalado ay natagpuang patay noong Linggo dahil sa tama ng bala sa kanyang ulo.

Si Regalado ay sinampahan ng kasong panggagahasa noong Oktubre 2020 sa Lala, Lanao del Norte.

Dapat sana’y nakakulong pa rin si Regalado hanggang sa kasalukuyan dahil non-bailable ang kasong rape, ngunit pansamantala siyang nakalaya dahil pinagpiyansa siya ng korte dulot ng teknikal na kamalian sa kaso.

Dahil dito, aalamin ng mga imbestigador kung naghiganti ang pamilya, o kamag-anak ng biktima.

Napag-alaman din ng pulisya ng Malaybalay na may ilang pagkakataon na ‘aktibo’ si Regalado sa pagtulong sa mga ipinaglalaban ng mga magsasaka laban sa mga panginoong maylupa.

Batay sa inisyal na ulat, pinaniniwalaang tinortyur si Regalado dahil mayroon itong mga sugat at gasgas sa katawan at nakatali ng puting sintas ang mga kamay bago ito tuluyang binaril sa ulo.

Ibinasura ng pulisya ang anggulong ambush dahil walang tama ng bala ang kanyang sasakyan.

Ikaapat na pari si Regalado na napatay sa panahon ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang unang napatay ay si Fr. Marcelito Paez na binaril sa bayan ng Jaen, Nueva Ecija noong Disyembre 2017.

Sinundan ito ng pagbaril kay Fr. Mark Ventura noong Abril 2018 sa Cagayan.

Ang ikatlo ay si Fr. Richmond Nilo na namatay nang barilin bago niya simulan ang misa sa simbahan ng bayan ng Zaragoza sa Nueva Ecija noong Hunyo 2018.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, handa niyang atasan ang National Bureau of Investigation (NBI) para sa kaso ni Fr. Regalado, ngunit bago niya ito gawin ay hihintayin niya ang resulta ng imbestigasyon ng pulisya ng Malaybalay. (NELSON S. BADILLA)

38

Related posts

Leave a Comment