PNP nag-deploy ng dagdag pwersa sa Negros Oriental HOTSPOTS POSIBLENG MADAGDAGAN PA

HINDI inaalis ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na madagdagan pa ang mga lugar na maituturing na hotspots o ‘areas of immediate concerns’.

Ayon sa pamunuan ng PNP, posibleng madagdagan pa ang binabantayang ‘areas of grave concern’ ng government security forces dahil sa tumitinding mga tunggalian sa larangan ng pulitika.

Ang mga ito ay itinuturing na election hotspots o ‘areas of immediate concerns’ habang papalapit ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre.

Sa ibinahaging datos ni PNP Public Information Office chief, PBGen. Red Maranan, nananatili pa rin sa 27 lugar sa buong bansa ang mahigpit nilang binabantayan sa kasalukuyan.

Nabatid na nagsasagawa ng command conference ang COMELEC kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) para talakayin ang mga posibleng kahaharaping problema kaugnay sa usaping pang seguridad, at pagtiyak ng malinis, maayos, at mapayapa at kapani-paniwalang eleksyon.

Samantala, kinumpirma ng PNP na nagdagdag sila ng karagdagang pwersa ng mga pulis sa Negros Oriental para mapangalagaan ang nalalapit na BSKE.

Ito ay bunsod na rin ng pagdedeklara sa nasabing lalawigan bilang ‘area of concern’ kasunod ng pamamaslang kay Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa sa loob mismo ng bahay ng local official.

Ayon kay Police Colonel Ronan Claraval, Negros Oriental Provincial Police Office director, nagdagdag sila ng 100 police officers mula sa PNP-Police Regional Office para pangalagaan ang ‘filing of certificates of candidacy’ simula sa Lunes partikular sa bayan ng Dumaguete, Bais, Tanjay at Sibulan.

(JESSE KABEL RUIZ)

179

Related posts

Leave a Comment