PULITIKA SA LIKOD NG KONTROBERSYA SA BAMBAN MAYOR

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

NAGPAHAYAG ng kalungkutan ang ilang taga-Bamban kaugnay ng mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng kanilang alkalde na anila’y malinaw na bahagi ng pulitika.

Sa pahayag ng ilang mamamayan ng Bamban sa lalawigan ng Tarlac na tumangging magpabanggit ng pangalan, natutuwa sila sa kanilang mayor dahil kahit bago ito sa pulitika ay napakarami na nitong nagawang magagandang proyekto at naihatid na serbisyo sa kanilang bayan.

Ang pagiging proactive din anila ni Mayor Alice Guo ang dahilan kaya siya hinalal ng mga taga-Bamban sa kauna-unahang pagkakataon niyang sumubok sa pulitika.

Ipinaalala rin nila na nalalapit na naman ang susunod na halalan kaya maaaring bahagi ng pamumulitika ang mga ibinabatong akusasyon laban kay Guo.

Samantala, nanindigan si Mayor Guo na mula sa pagsisikap ng kanilang pamilya ang anomang mayroon siya ngayon.

“Hindi masama ang maging negosyante at magsumikap para kumita sa buhay,” ani Guo na pasinungalingan din ang akusasyong sangkot siya sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Ayon kay Guo, bago pa man siya pumasok sa pulitika ay mayroon na silang kabuhayan at pera kaya hindi na niya kailangan pang pumasok sa masamang gawain na nagaganap sa POGO.

Nilinaw rin niya na ang ginamit niya sa pagtakbong alkalde ay pera ng kanyang pamilya at ilang kaibigan mula sa hog raising industry.

Aniya pa, kung masama siyang tao at sangkot sa kasamaan ay tiyak na hindi siya pagkakatiwalaan ng mamamayan ng Bamban sa unang beses niyang pagsabak sa pulitika.

Binigyang-diin ni Guo na kaya niyang linisin ang kanyang pangalan sa mga negatibong isyu na ibinabato sa kanya dahil malinis ang kanyang konsensya.

Binanggit din nito na may ilang negosyo siyang isinakripisyo nang sumabak siya sa pulitika dahil sa usapin ng conflict of interest at batay na rin sa hinihingi ng batas.

Sa usapin naman ng mamahaling sasakyan na kanyang ibinenta, naipundar niya anya ito bago pa siya pumasok sa pulitika.

Tiniyak ni Guo na hindi niya kukunsintihin at susuportahan ang anomang masama at ilegal na gawain at pagmamalabis sa ibang tao.

Katunayan, matapos niyang malaman ang kontrobersya sa POGO sa kanilang bayan ay agad siyang nagpa-imbestiga at hindi rin niya pinigilan ang mga pagsalakay ng mga otoridad sa compound.

Handa rin umano siyang makipagtulungan sa imbestigasyon ng Senado in aid of legislation.

48

Related posts

Leave a Comment