PURA LUKA VEGA, ‘PERSONA NON GRATA’ SA LUCENA

QUEZON – Idineklara na rin bilang “persona non grata” sa Lucena City ang kontrobersyal na drag artist na si Amadeus Fernando Pagente, o mas kilala bilang si Pura Luka Vega.

Sa kanyang Facebook page noong Martes, Agosto 22, inanunsyo ni Lucena City Councilor Benito Brizuela Jr., ang pagdedeklara kay Pagente bilang persona non grata sa pamamagitan ng isang resolusyon na ipinasa at sinuportahan ng buong City Council.

“Sa tulong ng Sanggunian, matagumpay nating naipasa ang resolusyon na nagdedeklara kay Amadeus Fernando Pagente, o mas kilala bilang si Pura Luka Vega, bilang persona non grata sa Lungsod ng Lucena,” ayon kay Brizuela sa kanyang post.

Hindi nag-post si Brizuela ng kopya ng resolusyon at hindi rin niya ibinigay ang impormasyon tungkol sa kabuuan nito at kung ano ang mga saklaw ng kanilang deklarasyon kay Pagente bilang persona non grata.

Naging kontrobersyal si Pura Luka dahil sa ilang mga video na kumalat sa online noong nakaraang buwan kung saan ginagampanan niya ang masayang Kristo na may kumikinang na kasuotan.

Matapos na umaani ito ng negatibong reaksyon sa mga netizen ay tinanggal na ang video sa social media platforms at iba pang website.

Sa kanyang pribilehiyong talumpati bago isumite ang resolusyon, ipinaliwanag ni Brizuela na ang kontrobersyal na performance ni Pagente na naitala sa video ay napanood ng milyun-milyong mga Pilipino, kabilang ang mga bata na may access sa social media.

Ipinaliwanag niya na ang kanilang pagdedeklara kay Pagente bilang persona non grata sa lungsod ay kanilang paraan “upang i-educate ang lahat na ang video content ay hindi tama.”

Ito ay hindi umano nararapat, at isang pang-aalipusta, at hindi dapat gawin ng sinoman, anoman ang relihiyon na kanilang pinag-uusapan, ayon pa kay Brizuela.

Si Pagente ay idineklara rin na persona non grata ng iba’t ibang mga lokal na yunit ng pamahalaan sa bansa tulad ng Lungsod ng Cebu, Lungsod ng Maynila, Lungsod ng General Santos, Lungsod ng Mandaue, Bukidnon, Dinagat Islands, Nueva Ecija, Laguna, Occidental Mindoro, at Cagayan De Oro.

(NILOU DEL CARMEN)

191

Related posts

Leave a Comment