IDINEKLARA ng munisipalidad ng Porac, Lunes ng gabi, ang state of calamity kasunod ng mga nasawi at malaking pinsalang dulot ng malakas na lindol na yumanig sa ilang bahagi ng Luzon.
Agad nagsagawa ng emergency session sina Vice Mayor Dexter Albert David at mga miyembro ng Sangguniang Bayan para ideklara sa ilalim ng state of calamity ang bayan, ayon kay Porac Mayor Carling Dela Cruz.
Ito ay upang mailabas ang calamity fund para tulungan ang mga apektadong residente sa lugar.
Walo katao na ang namatay sa Porac at dalawa sa Lubao dahil sa lindol.
Sinabi ni Dela Cruz na sasagutin nila ang libing at iba pang tulong sa kanilang kababayan.
Nanawagan din si Dela Cruz sa iba pang local government units na magpadala ng tulong para sagipin ang mga na-trap na tao sa ilalim ng guho.
“Kung meron po kayong pang-rescue para maalis yung mga debris. May nakakausap kami sa loob na naipit. Humihingi kami ng tulong,” sabi ng alkalde. /JDA
275