SUNDALO PATAY, 7 SUGATAN SA MINDANAO AMBUSH

PATULOY na tinutugis ng mga tauhan ng Western Mindanao Command ang grupo ng hinihinalang lawless elements na nasa likod ng pananambang kay Vice Mayor Ahmadin Baharim ng Ungkaya Pukan, at tropa ng 64th Infantry Battalion at mga pulis, na kabilang sa Joint Peace and Security Team (JPST) nitong nakalipas na linggo.

Isang sundalo ang namatay habang pitong kasamahan ang sugatan kabilang ang isang pulis matapos ang ilang minutong bakbakan sa Barangay Ulitan, Ungkaya Pukan, Basilan.

Ayon sa ulat na nakarating sa punong himpilan ng Philippine Army na pinamumunuan ngayon ng dating WESMINCOM Commander Lt. Gen Roy Galido, bandang alas-3:45 ng hapon nang tambangan ang isang pulutong ng Alpha Company ng 64IB, kasama si Vice Mayor Ahmadin Baharim ng Ungkaya Pukan, at JPST, habang lulan ng dalawang KM 450 military truck at dalawang civilian vehicles pagsapit sa Barangay Ulitan, ng tinatayang sampung hindi pa kilalang mga suspek.

Nabatid na nagsagawa ng ocular inspection ang grupo sa nasabing barangay bilang paghahanda sa gaganaping Outreach Program sa susunod na linggo.

Nakaganti agad ng putok ang mga sundalo na tumagal ng ilang minutong bakbakan subalit isang sundalo ang napuruhan at ikinasugat din ng anim na mga kasamahan nito at isang pulis.

(JESSE KABEL RUIZ)

98

Related posts

Leave a Comment