AGAD na ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang travel agency na umano’y naging illegal recruiter ng overseas Filipino workers (OFW), sa Malolos, Bulacan kahapon, Biyernes.
Mismong si Undersecretary for Licencing and Adjudication service Bernard P. Olalia ang nanguna sa pagkandado ng nasabing establisyemento sa Barangay Catmon sa Lungsod ng Malolos.
Base sa mga reklamo at sumbong na nakarating sa ahensiya ng DMW mula sa mga nabiktima ng umano’y illegal recruitment, kumpirmado ang natanggap nilang report kaya agad na isinagawa ang pagsalakay sa High Dreamer Travel and Tours Services na matatagpuan sa Paseo Del Congreso, Barangay Catmon.
Nabatid na ilegal na kumokolekta umano ang naturang travel agency ng placement fees sa kabila na walang lisensiya mula sa DMW at walang tiyak na job order na iniaalok.
Ayon sa isang na-recruit, nakapagbayad na sila ng sinasabing placement fee na halagang P50,000 kapalit ng pangakong ipadadala sila sa Croatia upang kunwaring magtatrabaho bilang housekeeper, pero nag-a-apply para magtrabaho bilang waiter at dairy farmer.
Bukod sa pagiging illegal recruiter, nilabag din ng establisyemento ang business permit bilang isang travel agency na nagkaroon ng operasyon na wala sa mandato ng pagiging travel agent.
Kaya naman kinansela ng Business One Stop Shop (BOSS) ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos ang nasabing business permit gayundin ang pagpapawalang bisa sa barangay permit na ipinalabas noon ng Pamahalaang Barangay ng Catmon.
Sinabi ni USec. Olalia na aalalayan nila ang 13 na mga na-recruit sa pamamagitan ng free legal assistance at referral sa legal recruitment agencies.
Ito na ang pang-sampu na nahuli ng DMW sa buong bansa mula nang paigtingin ng DMW ang kampanya laban sa illegal recruiters at traffickers. (ELOISA SILVERIO)
126