HALOS nasa super typhoon category si TS Marce habang binabaybay ang kalupaan saklaw ng dulong hilagang Luzon simula pa kahapon.
Sa inilabas na weather updates ng PAGASA kahapon ng umaga, malapit na sa super typhoon strength ang lakas ng pananalasa ni Marce bago pa ito dumaan sa dulong bahagi ng Luzon.
Si Marce ay naitalang may maximum sustained winds na umaabot sa 175 kilometers per hour at may bugso na nasa 215 kph, ayon sa state weather bureau, habang tinatahak ang direksyon ng Silangan bahagi ng Aparri, Cagayan.
Bunsod ng pananalasa ng Bagyong Marce, pinag-iingat ng Office of Civil Defense (OCD) ang mga residenteng nakatira malapit sa Cagayan Valley River.
Bukod sa nasabing malaking ilog ay nagbabala rin ang OCD sa kanilang mga tauhan at sa lahat ng mga residenteng naninirahan malapit sa mga ilog na lubhang delikado sa posibleng pag-apaw ng ilog ang mga naninirahan malapit sa Baliwag River, Cagayan River, Chico River, Dummon River, Imurong River, Lasam River, Linao River, Malanao River, Pared River at Pinacanauan de Tuguegarao.
Bukod sa lubhang delikadong ilog, mayroon pang 18 iba pang ilog na posible ring tumaas ang water level at maka-aapekto sa mabababang mga lugar lalo nasa ginagawang pagpapakawala ng tubig mula sa dalawang dam sa Northern Luzon.
Rekomendasyon ng OCD, i-monitor nang maigi ang update sa bagyo at huwag mag-atubiling lumikas sakaling kailanganin.
Patuloy na pinapayuhan ng OCD ang apektadong mga residente na sumunod sa abiso ng pamahalaan upang maiwasan ang pagkalagas ng buhay.
Inaasahang magla-landfall si Marce at tatahakin ang area ng Babuyan Islands o northern portions ng mainland Cagayan, Apayao, at Ilocos Norte kahapon hanggang Biyernes ng umaga.
Babala ng PAGASA, “potentially life-threatening conditions due to very destructive winds, storm surge inundation, and torrential rains over the northern portions of Cagayan, Apayao, and Ilocos Norte during the passage of Marce”.
Itinaas ng PAGASA sa Tropical Storm Warning Signal No. 4 ang nabanggit na mga lugar na inaasahang babayuhin ni Marce.
Kaya hanggang ngayong Biyernes ay nanatiling kanselado pa rin ang flights patungong Hilagang Luzon dahil sa Bagyong Marce.
Kabilang sa mga kanseladong flights ang patungong Tuguegarao, Cauayan, Basco, Laoag at Palanan.
Kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na hindi lamang ang commercial flights ang kanselado, kundi maging ang non-scheduled flights sa coastal areas.
Muling nagpatupad ng flight cancellations sa Luzon, dahil sa epekto ng bagyong Marce. Batay sa advisory na inilabas ng CAAP, kinansela ang lahat ng scheduled commercial flight sa Tuguegarao City Airport.
Kinansela rin ang lahat ng Commercial flights sa Cauayan City Airport at Basco Airport sa probinsya ng Batanes. Mahigit limang daan naman ang mga pasaherong apektado bagama’t wala namang stranded passengers.
Inanunsyo rin ng CAAP na hanggang ngayong araw na ito ay mananatiling kanselado ang flight patungong Northern Luzon. Mahigit isang libo naman ang mga pasaherong apektado ng flight cancellations.
“Let us strive to be safe. Let us refrain from doing unnecessary things and those against the warning of our agencies,” panawagan naman ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa mga residenteng naninirahan sa landas na tinatahak ng bagyo.
Una nang ipinag-utos sa Local government units (LGUs) ang pagpapatupad ng forced evacuation sa mga indibidwal na naninirahan sa mga lugar na hindi maabot ng paghahanda para sa epekto ng Typhoon Marce.
“Ang mga municipal mayors at disaster risk reduction officers ay nirerequire ng Department of the Interior and Local Government: Number one, na mag-forced evacuation sa mga lugar na hindi maaabot ng ating mga pwersa,” ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
“Normally ang ating kapulisan at ang armed forces ay nagbibigay ng saklolo. Ang hindi po maaabot ay pinag-eevacuate na po sa evacuation centers,” dagdag na ng kalihim.
Layon ng mandatory evacuation na tiyakin ang maayos at tuloy-tuloy na probisyon sa health benefit, water, sanitation, at food supplies sa mga residente na maaapektuhan ng bagyong Marce. (JESSE KABEL RUIZ)
3