HINDI naitago ng chairman ng House committee on humans rights na si Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., ang pagkairita sa mga pulis na mistulang nagpo-profiling sa mga kaanak ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) sa loob mismo ng Batasan Pambansa.
Kahapon ay muling ipinagpatuloy ng komite ang kanilang imbestigasyon kung saan hindi agad nakapasok ang pamilya ng mga biktima ng EJK sa committee room kaya nasa lobby lamang ang mga ito ng South Wing Annex Bldg.
Gayunpaman, nakarating sa kaalaman ni Abante na may mga pulis umano ang kumukuha ng larawan ng mga kaanak ng mga biktima ng EJK na inimbitahan ng komite na hindi nagustuhan ng mambabatas.
“Meron tayo dyan mga biktima sa labas. And I was told that there are some police people who are taking pictures [of] them,” ani Abante.
“If they (police) do not want to be held in contempt… I do not want anyone taking pictures of anybody, if you are not members of the media,” banta ni Abante.
Ang tanging pinapayagan lang umano na kumuha ng larawan ng mga kaanak ng mga biktima ng EJK ay ang mga lehitimong miyembro ng media at hindi ang mga pulis kaya inatasan niya ang mga ito na igalang ang komite.
Sinabi ng mambabatas na tiniyak umano ng komite sa mga biktima ng EJK ang kanilang proteksyon kaya hindi katanggap-tanggap na hanggang sa loob ng Batasan Pambansa ay nanganganib ang kanilang seguridad dahil sa mga pulis na kumukuha ng kanilang larawan na walang pahintulot.
Dahil sa pangyayaring ito, hindi masisisi ng mambabatas ang marami sa mga biktima ng EJK ang ayaw makipagtulungan sa imbestigasyon para makamit ng mga ito ang katarungan dahil sa ganitong gawain ng mga pulis.
“I fully acknowledge the fears and the reluctance that many may feel about coming forward to testify. These fears are real; they have basis,” ayon sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)
