TODO paghahanda na ang ginagawa ngayon ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) para sa May 2025 midterm election.
Kabilang sa mga prayoridad ng PNP ang pagbuwag sa mga hinihinalang private armed goons, pagsugpo sa paglaganap ng hindi lisensyadong armas at maging ng pagpapakalat ng iligal na droga na posibleng magamit sa eleksyon.
Katuwang din ang Armed Forces na kapwa deputized agents ng Commission on Elections (Comelec), titiyakin na magiging maayos, malinis, mapayapa ang botohan.
Base sa inilabas na election calendar of activities ng Comelec, magsisimula ang election period sa January 12, 2025, na simula rin ng ipatutupad na nationwide gun ban ng PNP at AFP sa buong bansa para sa halalan kung saan iboboto ang 12 bagong senador, kongresista, city and municipal council sa buong bansa.
Kaugnay nito, ipinag utos ni PNP Chief, Police Gen. Rommel Francisco Marbil sa lahat ng regional at provincial commander na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para paigtingin ang kanilang pagbabantay sa mga itinuturing na ‘hotspot’ o areas of immediate concerns.
Plano rin ng kapulisan na paigtingin ang Community Awareness Programs nito upang mahikayat ang publiko na magsumbong ng mga kahina-hinalang aktibidad.
Inihayag ni PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo na magdaragdag sila ng mga pulis sa mga lugar na matutukoy ng Comelec na mga election areas of concern. (JESSE KABEL RUIZ)
