NAGTALA ng tig-isang patay ang mga lungsod ng Malabon at Navotas dahil sa COVID-19 noong Marso 7, habang umabot na sa 1,499 ang active COVID cases sa Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela (CAMANAVA) area.
Ang pinakahuling namatay sa Navotas ang ika-199 pandemic fatality sa fishing capital, kung saan 6,391 na ang tinamaan ng COVID at 5,678 ang gumaling.
Sumipa naman sa 514 ang active cases sa lungsod matapos na 79 ang magpositibo sa swab test at 12 lamang ang naitalang gumaling.
Nabatid naman sa City Health Department ng Malabon City na isang COVID-19 patient ang nalagutan ng hininga sa Barangay Longos, na nagpataas sa bilang ng COVID casualties ng lungsod, sa 264.
Bukod dito, 50 ang nadagdag na confirmed cases sa nasabi ring petsa, at sa kabuuan ay 7,282 ang positive cases sa Malabon, 527 dito ang active cases.
Ang mga bagong kaso ay naitala sa Barangay Acacia (3), Catmon (3), Flores (3), Hulong Duhat (4), Ibaba (1), Longos (1), Maysilo (3), Muzon (2), Niugan (4), Panghulo (4), San Agustin (3), Santulan (2), Tinajeros (2) at Tonsuya (15).
Labing-limang pasyente lamang ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sila ay mula sa Barangays Longos (4), Maysilo (1), Niugan (5), San Agustin (1), Tinajeros (2) at Tonsuya (2), at sa kabuuan ay 6,491 ang recovered patients ng lungsod.
Matapos naman ang halos apat na buwang pananahimik ay naglabas na ng update hinggil sa COVID-19 cases nito ang Caloocan City, kung saan nakasaad na 475 na ang namatay sa lungsod dahil sa pandemya hanggang nitong Marso 7.
Umabot naman sa 14,894 ang tinamaan ng COVID-19 sa lungsod hanggang alas-5:00 ng hapon ng nasabing petsa at sa bilang na ito ay 14,049 na ang gumaling.
Sumipa naman sa 197 ang active cases sa lungsod matapos na 48 ang magpositibo sa swab test.
Ang datos lamang mula sa 26 sa 188 barangay ng lungsod ang ipinaskil ng pamahalaang lungsod sa social media at hindi pa malinaw kung ang mga ito na lamang ang may mga kaso ng COVID-19 o walang datos na nakalap mula sa 162 barangay.
PINAHIGPIT NI ISKO
BUNSOD nang paglobo ng COVID-19 cases, inatasan ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang lahat ng enforcement units ng lokal na pamahalaan na higpitan ang pagpapatupad ng lahat ng health and security measures.
Sa directional meeting nitong Lunes ng umaga, inatasan ng alkalde ang Manila Police District (MPD) na paigtingin pa ang police visibility sa mga lansangan, mga barangay at mga pangunahang kalsada upang matiyak na mahigpit na naipatutupad ang minimum health protocols para maiwasan ang hawaan sa COVID-19.
“Lalo nating higpitan ang pagpapatupad ng minimum health protocols sa lahat ng kalsada at barangay sa Maynila, upang matigil ang tumataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa lungsod,” mahigpit na utos ni Moreno kay MPD director, P/BGen, Leo Francisco, na dumalo sa pulong na ipinatawag ng alkalde, kasama ang 14 station commanders ng MPD.
Mahigpit din ang paalala ni Moreno sa mga pulis na manatiling magalang sa mamamayan sa pagpapatupad ng kanyang kautusan. “Mahigpit tayo, ngunit magalang pa rin sa Batang Maynila,” aniya.
Kaugnay nito, inimpormahan ng alkalde si Manila Barangay Bureau (MBB) Director Romy Bagay na inaawtorisa niya ang pagpapatupad ng barangay-level lockdowns kung magkakaroon nang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa mga komunidad.
“Kapag tuloy-tuloy na lumobo ang kaso ng COVID-19 sa alinmang barangay, automatic mong i-lockdown. Coordinate with the MPD and General Francisco for the security plan,” atas pa ni Moreno kay Bagay.
Kaugnay nito, daan-daan ding COVID-19 safety marshals ang ipakakalat sa lungsod matapos na atasan ni Moreno ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na dagdagan ang security personnel ng MPD.
“Muling pagalain mo ang mga COVID-19 Safety Marshals natin. Magsaway sila ng mga pasaway sa kalsada. Tuloy-tuloy tayo, walang patid, lalo na sa susunod na dalawang linggo,” ani Moreno kay MTPB Director Dennis Viaje.
Tiniyak din nito na ang food security ay isa rin sa forefront ng Manila sa kanilang COVID-19 response.
Pinaalalahanan ng alkalde ang General Services Office, Department of Engineering and Public Works at Department of Public Services na maghanda ng food boxes na ipamamahagi sa mahigit 700,000 pamilya sa lungsod.
Ang naturang direktiba ay bahagi ng COVID-19 Food Security Program, na mahigit 700,000 pamilya ang sinisigurong magkakaroon ng monthly food box mula sa Manila City government.
Habang isinusulat ang balitang ito, nakapagtala ang lungsod ng 825 aktibong kaso ng sakit, habang mayroon namang 27,447 Manila City residents ang nakarekober na sa karamdaman at 813 ang sinawimpalad na binawian ng buhay.
Kaugnay nito, tiniyak ng alkalde sa mga residente na ang Manila City government, sa pamamagitan ng Manila Health Department at anim na district hospitals sa lungsod, na nananatiling matatag sa pagkakaloob ng healthcare services sa kanilang constituents sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ang pagsasagawa naman ng mass swab testing ay sagot pa rin ng city government, at ang libreng pagbabakuna ay magpapatuloy gamit ang available na COVID-19 vaccines para sa mga Manilenyo.
NAVOTAS LOCKDOWN
ISINAILALIM sa granular lockdown ang siyam na lugar sa Navotas kung saan lumalaki ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19.
Nabatid kay Mayor Toby Tiangco, kabilang sa ilalagay sa granular lockdown ang Navotas City Hall (February 23-March 9, 2021); Gov. Pascual Sipac Almacen (February 24-March 10, 2021); Sioson St., Bangkulasi (February 26-March 12, 2021); Interior H. Monroy St., Navotas West (February 26-March 12, 2021); Little Samar St., San Jose (March 1-March 14, 2021); Daisy St., NBBS Proper (March 2-March 15, 2021); Pat. Cabrera St., San Roque (March 3-March 16, 2021); Blk. 37, NBBS Dagat-Dagatan (March 4-March 17, 2021); Estrella St., Navotas West (March 7-March 20, 2021).
Ayon sa alkalde, pataas nang pataas ang kaso ng COVID-19 kada araw, at mas mabilis umano ang nangyayaring hawaan ng virus sa kasalukuyan kumpara noong nakaraang taon lalo na sa loob ng mga tahanan.
Dagdag pa ng alkalde, may mga nagkakaroon ng COVID -19 sa lungsod na mga asymptomatic, at dahil hindi nila alam na taglay na nila ang virus dahil sa wala silang nakikitang anumang sintomas, ay malaki ang posibilidad na nakapanghahawa sila nang hindi nila alam.
Ayon pa kay Tiangco, kung noong isang taon ay mas kakaunti ang hawaan sa loob ng mga bahay ng mga miyembro ng pamilya, ngayon ay mas marami umano ang mga tahanang may nagaganap na hawaan.
Isang dahilang tinukoy ni Tiangco ng pagbilis ng pagkalat ng COVID-19 ang hindi pagusuot o hindi tamang pagsusuot ng face mask o face shield kaya’t muling ipinaalala ng alkalde ang kahalagahan ng pagsunod sa health standards. (ALAIN AJERO/RENE CRISOSTOMO)
