PINAALALAHANAN ng Department of Health (DOH) ang publiko na maaaring magdala ng mala-trangkasong sakit o influenza-like illness (ILI) ang nararanasang pabago-bagong panahon.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, bagama’t mas mababa ang bilang ng mga naitatalang kaso ng ILI ngayong taon kumpara sa kaparehong panahon noong 2024, ay hindi aniya dapat magpabaya ang publiko.
Kaya naman payo ng kalihim, kung nakararamdam na ng sintomas ng malatrangkasong sakit ay ugaliing magsuot ng face mask, manatili sa bahay, takpan ang ilong at bibig kapag umuubo, siguruhin ang magandang airflow, kumain ng masusustansyang pagkain at uminom ng maraming tubig at kumonsulta agad sa pinakamalapit na health center.
Matatandaan na ayon sa PAGASA, maaaring maging maulan sa ilang bahagi ng Visayas, Mindanao at Palawan dahil sa ITCZ, habang magiging maulap naman na may kalat-kalat na pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon, kasama na ang Metro Manila dahil sa easterlies.
(JULIET PACOT)
