IBINIDA ni Quezon City Police District DDDA officer-in-charge Colonel Randy Glenn Silvio ang matagumpay na pagkakaaresto sa isang alyas ‘Felimon’, 47 taong gulang at residente ng Barangay Payatas sa Lungsod Quezon, na suspek sa pamamaslang sa isang ginang nitong nakalipas na Mayo 14, 2025.
Sinabi ng QCPD na nadakip ang suspek sa isinagawang manhunt operation ng Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13) dakong alas-8:00 ng gabi noong Mayo 23, 2025 sa San Antonio Subdivision sa Brgy. Langkiwa sa Biñan City, Laguna.
Batay sa ulat ni QCPD PS 13 chief Col. Rolando Baula, isinagawa ang pagtugis sa suspek matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant na positibong kinilala si alyas ‘Felimon’ na siyang pumatay umano sa ginang na ang bangkay ay natagpuan sa tambakan ng basura sa panulukan ng San Lorenzo at Saint Beatriz street noong Mayo 14, 2025.
Napag-alaman din na ang suspek ay nakalista bilang No. 2 most wanted person (MWP) ng PS 13 para sa kasong homicide na inisyu ng Tacloban City Regional Trial Court Branch 43.
Nabatid ding nakumpiska mula sa suspek ang isang improvised firearm na may lamang isang bala ng 5.56mm (M-16) na nakasukbit sa kanyang baywang at apat na karagdagang bala ng parehong kalibre na nakita sa bulsa ng kanyang pantalon.
Sa isinagawang record check naman ng Investigation Solution Automatic Verification (ISAV), napagalaman na ang akusado ay may nauna nang kasong murder noong Hulyo 2018.
Bukod sa kasong ito, siya ay sasampahan din ng kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) at Batas Pambansa Blg. 881 (Omnibus Election Code), kaugnay ng Commission on Elections (Comelec) Resolution No. 11067.
“Hindi kami mag-aatubiling tugisin at arestuhin ang sinumang responsable sa karumal-dumal na krimen. Ang pagkakaaresto kay alias ‘Felimon’ ay patunay ng patuloy na determinasyon ng QCPD na papanagutin ang mga nagkakasala sa batas,” sabi ni Silvio.
(PAOLO SANTOS)
