POSIBLENG maharap sa kasong administratibo o pagkakasibak sa serbisyo ang isang police colonel matapos nitong bulagin ang isang police non-commissioned officer habang nasa impluwensiya ng alak.
Kinilala ang pasaway na opisyal na si P/Col. Dulnoan D. Dinamling Jr., miyembro ng PNPA Class-1998, ngayon ay nakatalaga bilang Regional Commander ng PNP-Aviation 5.
Kasalukuyan namang nagpapagaling sa ospital ang biktimang si Police Master Sergeant Ricky S. Brabante.
Ayon sa ulat, kailangang tanggalin ang kanang mata ng biktima upang maiwasan ang kumplikasyon matapos na hatawin umano ng wine glass ang mukha nito ng lasing na si Dinamling.
Agad namang ipinag-utos ni PNP-Police Regional Office 5 Director P/BGen. Jonnel C. Estomo ang pagbuo ng Special Investigation Task Group (SITG) Brabante upang manguna sa imbestigasyon ng kaso.
Inirekomenda rin ni Bicol PNP chief, P/BGen. Estomo ang pagsasampa ng kasong administratibo laban kay P/Col. Dinamling Jr.
Bukod kay Dinamling, ipinasibak din ni Gen. Estomo sa puwesto si Col. Clarence Gomeyac, kasalukuyang Battalion Commander ng Regional Mobile Force, ang opisyal na nagdiwang ng kaarawan nang mangyari ang insidente.
Nabatid na nangyari ang insidente noong Biyernes, Nobyembre 12, 2021 subalit nagawan lamang ng report noong Lunes Nobyembre 15, 2021.
Kaugnay nito, inatas ni P/BGen. Estomo ang pagsasagawa ng agarang imbestigasyon upang linawin at tuklasin ang mga detalye ng insidente.
Nang malaman ang insidente, agad na nakipag-ugnayan si P/BGen. Estomo sa director ng Aviation Security Group at inirekomenda ang pagsibak sa pwesto sa opisyal na siyang itinuturing na suspek sa pangyayari.
Napag-alaman, birthday umano ni Col. Gomeyac kaya nagkaroon ng inuman sa loob ng Camp Simeon Ola, PNP-PRO5 Headquarters at isa ang biktima sa mga inutusang magligpit ng mga gamit sa nasabing handaan.
Bandang alas-12:30 ng hapon, naisipan umano ng biktima na magpahinga at maglakad-lakad hanggang nakita niya ang junior PNCOs na nagpo-formation kaya nilapitan niya para sabihan na sumilong sila sa tent at huli na ng mapansin niyang kinakausap pala ang mga ito ni Dinamling na lasing na lasing.
Bunsod nito, tumalikod na lamang ito at astang lalayo nang mula sa likuran ay bigla siyang hinataw ng kopita ng suspek sa kanyang mukha.
Nabasag ang kopita habang duguang napaluhod na lamang ang biktima, sapo ang duguang mukha.
Sinasabing kumuha pa ng bote ang opisyal para muling hatawin ang biktima ngunit naawat ito ng mga kasamahan.
Ang sana’y masayang pagdiriwang ng kaarawan ay nauwi sa isang pangyayaring nagresulta sa pagkawala ng paningin ng isang mga ng biktimang si P/MSG Brabante. (JESSE KABEL)
