BUKOD sa mga gasolinahan, asahan na rin ang pag-iikot ng mga pulis sa mga pamilihan matapos iutos ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., mahigpit nilang babantayan ang mga negosyanteng posibleng magsamantala sa gitna ng oil crisis.
Inatasan na ang lahat ng police units na tiyaking walang vendor o retailer ang mag-o-overprice habang tumataas ang presyo ng petrolyo.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa Department of Trade and Industry (DTI) at mga lokal na pamahalaan upang maprotektahan ang interes ng publiko.
Nagbabala si Nartatez sa mga negosyante na huwag samantalahin ang sitwasyon para sa pansariling kita.
Matatandaang una nang nanawagan si Pangulong Marcos sa publiko na iwasan ang hoarding, kasabay ng pagtiyak na sumusunod ang mga negosyo sa itinakdang presyo ng DTI.
Babala ng PNP, sinomang mahuhuling nagtatago ng produkto o nagtaas ng presyo nang walang pahintulot ay maaaring humarap sa kasong kriminal.
(TOTO NABAJA)
77 