QUIMBO PINAIIMBESTIGAHAN NG MGA GURO SA PAMAMAHAGI NG AICS

UMAPELA ang isang grupo ng public school teachers mula Marikina City sa Commission on Elections (Comelec) na imbestigahan ang pamamahagi ng pinansyal na ayuda sa kanilang mga kapwa guro sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo.

Sa isang liham, sinabi ng mga guro, na hindi nagpabanggit ng mga pangalan para sa kanilang proteksyon, na maaaring may kinalaman sa vote-buying o paggamit sa pondo ng pamahalaan para sa pulitikal na interes ang ginawang aktibidad na malapit sa araw ng halalan.

Nagprisinta rin sila ng mga larawan at video bilang ebidensya sa kanilang alegasyon.

“The Commission on Elections should investigate whether this could be considered vote-buying or using power to influence votes, which are not allowed under the law,” wika nila, kasabay ng panawagan kay Comelec chairman George Garcia na gawing prayoridad ang imbestigasyon sa isyu.

Bukod sa Law Department ng Comelec, pinadalhan din nila ng liham ang Department of Education (DepEd), DSWD, at Civil Service Commission (CSC).

Ayon sa mga guro, inihayag ang detalye ng ayuda ng DSWD sa isang pulong hinggil sa Project TEACH. Nabanggit din na dumalo si Quimbo sa aktwal na pamamahagi ng ayuda na isinagawa mula Abril 21 hanggang 23, 2025, sa Q Civic Center.

“We find this alarming because we, public school teachers, are not poor or in crisis and do not fall under the usual DSWD guidelines for this kind of help,” wika ng mga guro.

“Also, some of our co-teachers were told to help check IDs and documents of other teachers to process this aid. We were also told to give our own IDs to be listed as recipients,” dagdag pa nila.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang grupo dahil pinayagan ang ilan nilang opisyal, kabilang sina Marie Ann Yambala, presidente ng Marikina City Federation of Public School Teachers Inc., at Atty. Caesar Augustus Cebujano, legal officer ng DepEd Marikina District, na tumulong sa beripikasyon ng mga tatanggap.

“We ask the DepEd to look into this right away and remind everyone not to take part in any activity with political involvement or money matters during election time,” wika ng mga guro.

“The Department of Social Welfare and Development should clarify why teachers are included in the AICS program during the election period, especially if the help is being used for political reasons,” dugtong pa nila.

Hiniling din nila sa CSC na pag-aralan kung anong mga administratibong hakbang ang maaaring gawin laban sa mga sangkot sa pamamahagi ng ayuda.

“We are writing this letter out of love for our work and concern for the truth and fairness of our elections. We hope your offices will act quickly and do what is right,” hiling nila sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno.

19

Related posts

Leave a Comment