(NI ABBY MENDOZA)
NAIS ng isang lady solon na iregulate ang sirkulasyon ng mga tabloid na naglalaman ng mga sexual content at ilagay ito sa kategorya na R-18 o for adults only.
Sa inihaing House Bill 4733 o National Restriction on Tabloids Act ni Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo, hiniling nito na lagyan ng klasipikasyon ang mga tabloid na naglalaman ng mahahalay na larawan at sexual stories.
Ang may mga ganitong content ay dapat ilimita ang pagbebenta sa mga matatanda o sa mga edad 18 anyos pataas lamang.
“Movies and television programs are strictly reviewed and classified with the end in view of achieving intelligent viewing and protecting our children. By the same token, smutty tabloids should be regulated in such manner as to keep at bay to protect the moral integrity of our children,” paliwanag ni Castelo.
Tinukoy ni Hipolito-Castelo ang isang pag-aaral ng Commission on Population na may negatibong epekto ang mga tabloid na naglalaman ng pornographic stories at images sa mga kabataan tulad ng teenage pregnancy at pagkakasakit ng HIV-AIDS.
Hindi naman itinakda sa panukala ni Castelo kung ano ang criteria para masabi na pasok sa mahalay na larawan.
Sa oras na maisabatas ay ipinauubaya sa korte kung ano ang dapat na parusa na dapat ipataw sa mga lalabag na patuloy na magbebenta ng tabloid na binigyan ng klasipikasyon na for adults only.
