REKLAMO VS CHECKPOINTS

PINUNA ng ilang mamamayan ang magkakaibang patakarang ipinatutupad ng national government at mga lokal na pamahalaan na may kinalaman sa minimum health standards.
 
Isa sa nakarating na mga reklamo sa PUNA ay mula sa isang heavy equipment mechanic na kadalasan ang kanyang mga kliyente ay sa mga probinsiya.
 
Batay sa kanyang sumbong, kamakalawa nang nagtungo siya sa Pangasinan ay nahirapan siyang makalusot sa checkpoints sa boundary ng Bulacan at Pampanga.
 
Sa dami raw ng ­hinihinging requirements sa kanya ay nahirapan siyang magpaliwanag sa mga nagpapatupad ng checkpoint.
 
Subalit sa bandang huli ay nakalusot din siya dahil kumpleto naman daw siya sa bakuna.
 
Pero nauna rito, nang papunta siya sa parte ng lalawigan ng Quezon at sa Rizal siya dumaan ay hindi siya pinalusot sa checkpoint sa pagitan ng dalawang probinsiyang ito.
 
Kaya simula nang mag-lockdown nitong pagpasok ng buwan ng Agosto 2021 ay hirap na sila sa kanilang pang-araw araw na pangangailangan.
 
Ayon pa sa kanya, hindi naman lahat ay nabibigyan ng ayuda ng gobyerno.
 
Hindi rin sapat ang ayuda para makabayad ng upa ng tinitirahan, pagkain at iba pang pangangailangan ng bawat pamilya kaya kailangan pa rin nila magkaroon ng hanapbuhay.
 
May punto po ang sinasabi ng ating mga kababayan, dahil matagal na rin nating sinasabi na kahit magpatupad ng mga lockdown sa mga lugar ‘wag lang pigilan ang gustong maghanapbuhay.
 
Lalo na ngayon na ­simula na naman ang pasukan ng klase, panibagong gastusin na naman ang kinakaharap ng pamilyang Pinoy.
 
Saan nila kukunin ang kanilang ipantutustos sa kanilang mga anak na nag-aaral kung hindi sila makapagtatrabaho?
 
Pangunahing dapat tingnan ng mga nagpapatupad ng checkpoints kung ang isang tao ay bakunado na.
 
Layunin ng bakuna ay proteksyunan ang tao laban sa COVID-19, mahawaan man siya ay hindi na hahantong sa malala at pagkamatay niya.
 
Ang higpitan nila ang mga tao na hindi pa nababakunahan dahil sila ang madaling mahawaan at hahantong sa pagkamatay nila.
 
Dapat ang pagbabakuna ng gobyerno ang siyang bilisan dahil ito ang ­magiging solusyon sa mabilis na hawaan lalo na ang Delta at Lambda variants.
 
Pero mukhang malabo pang magkaroon ng herd immunity ang mga Pinoy dahil hanggang ngayon ay wala pa nga sa 50 milyong katao ang nababakunahan sa buong bansa.
 
Kaya suntok sa buwan ang sinasabing herd immunity sa mga Pinoy.
Ayon kasi sa Department of Health (DOH), bago magkaroon ng herd ­immunity ang mga Pinoy, dapat ay mabakunahan ang 50 hanggang 70 porsyento ng buong populasyon natin.
 
Sa mahigit sa 100 ­milyong populasyon ng bansa ay malayo pa na maabot ang 50 hanggang 70 milyong katao na mabakunahan dahil sa bagal ng vaccination program ng gobyerno.
 
Maging sa pagbabakuna ay hindi rin magkakatugma ang mga
patakaran na ipinatutupad ng national ­government at lokal na pamahalaan. Ang gugulo niyo!
 
Ito rin ang nagpapabagal sa pagbabakuna sa iba’t ibang lugar sa bansa.
 
May mga lokal na pamahalaan pa na ginagamit sa kanilang pamumulitika ang pagbabakuna.
 
Kailan pa kaya maka­kaahon sa kahirapan na dulot ng pandemyang ito ang lahi ni Juan dela Cruz?
 
Na lalo pang pinahirap ng hindi magkakatugma na mga patakaran na ipinatutupad ng national government at lokal na pamahalaan.
 
oOo
 
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.
166

Related posts

Leave a Comment