“IF this is how Manny hits with jet lag, I may need to get new gloves with thicker padding for our next sessions.”
Ito ang nasambit ni Hall of Fame boxing trainer Freddie Roach matapos ang unang araw ng ensayo ni eight-division champion Manny Pacquiao sa Wild Card Gym ng una.
“For only his first day in training, Manny was incredibly sharp. He hit hard and with a lot of poser good power,” ani Roach.
Humigit-kumulang 24 oras makaraang dumating sa California, agad sumabak sa pangalawang yugto ng training ang Pambansang Kamao para sa nakatakdang laban sa Amerikanong si Errol Spence Jr. na gaganapin sa Agosto 21 sa T-Mobile Arena sa Las Vegas.
Hindi man lang kinakitaan ng jet lag si Pacquiao, kahit pa nabalam ng isang araw ang kanyang flight na Manila-California dahil sa isang nakasabay sa eroplano na may sakit.
“Sanay ako d’yan,” sabi ni Pacquiao sa ilang taga-media na sumalubong sa kanya sa L.A. airport.
Bago naman nagsimula ng kanyang ensayo sa Wild Card Gym ay sumailalim muna si Pacquiao sa random drug testing ng VADA (Voluntary Anti-Doping Association) sa kanyang mansion sa LA.
Tatlong oras ang itinagal ng unang araw ng training sessions ni Pacman na ikinagulat ng pitong beses ginawaran ng Trainer of the Year award ng Boxing Writers Association of America.
“After all these years, I’m still amazed at the great condition he’s in when he comes to training camp,” sabi ni Roach.
At matapos ang mitts, speed bag, shadow boxing at iba pang routines ay buong pagmamayabang na ipinakita ni Pacquiao ang kanyang abs sabay sabing: “I’m still here!”
Nakatakdang harapin ng ‘fighting senator’ ang wala pang talong WBC at IBF welterweight champion na si Spence para magkaalaman kung sino ang undisputed kingpin ng 147-librang dibisyon.
145 