PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
MINSAN nang nagawa ni Yorme Isko Moreno na gawing dakila ang Maynila sa unang termino niya, kaya buo ang pagtitiwala niya, “Kami po sa Yorme’s Choice, maibabalik namin ang ating glorya sa lungsod ng Maynila.”
Mayaman sa mataginting na pananalita ang ating nasaksihan sa maikling panayam sa tropang “KAAGAPAY” sa pamumuno ni Yorme Isko nitong nakaraang February 15-17, 2025 General Assembly na ginanap sa Ninoy Aquino Stadium.
‘Pag si Isko ang nagsasalita sa entablado, bakit kaya hindi lang masaya, mabiyaya pa sa espiritu ng pagmamahal sa ating Amang Diyos.
Lagi na, nasa puso at isip ni Yorme Isko, kasama si Vice Mayor Chi Atienza at katropa sa Yorme’s Choice, ang pagtitiwala sa Poong Maykapal.
Kaya, lagi mong masasambit, “Manila, God First!”
E, ang mga katunggali ng Yorme’s Choice: paninira first, batuhan ng putik first, saka na ang plataporma de gobyerno at saka na ang pasasabi ng nagawa na at gagawin pa para sa kabutihan ng Manilenyo.
***
‘Di pa man nag-uumpisang mamuno sa Manila City Council, buo na ang ipapanukalang gagawin ni Ate Chi Atienza.
Eto ang ilan: Aayusin ng Yorme-Chi administration ang minimum wage at basic needs ng Manilenyo.
Suporta sa trabaho at livelihood, at mga proyekto upang bumuti ang buhay ng mamamayan ng lungsod.
At konsultasyon, at kahandaang makinig ang tropang Isko-Chi sa naisin ng mga Manilenyo.
Nais ni Ate Vice Mayor Chi na mismong Manilenyo ang magsabi ng kanilang gagawin upang masolusyonan ang problema ng mamamayan.
***
Wala silang panahon sa negativity — na siyang almusal, tanghalian, meryenda at hapunan ng mga katunggali sa politikang Maynila.
Mas gusto ni Yorme at ni Ate Chi na makipag-usap, makinig sa tao at alamin, ano ba ang mga problema, at hanapan ng solusyon, gamot sa problemang bayan, ayon sa nais ng mamamayan.
Nagtatanong sila, totoo ba ang reklamo, inaalam nila ang buod ng pangyayari.
“Is this true? Is this true? Ito ba yung ipinagkait? Ito ba ‘yung pagkukulang? So, ikukumpirma namin sa tao and it seems since day 1 noong aming pakikipag-usap sa mamamayan at hanggang doon sa huli na mukhang ‘yun talaga and nothing has changed,” sabi ni Yorme, ibig sabihin, walang mabuting nangyayari sa city hall, at siya mismo ay nagugulat, at nalulungkot.
Sinasabi sa kanya ng mga tao ang magagandang accomplishment noong siya ang alkalde, at ito, ang naisin ng Manilenyo, kaya siguro, sabi nga namin at ng maraming political analysts, “nagmamadali ang mga tao na makabalik sa city hall ang Yorme’s Choice.
Kulang na lang hatakin na dumating na ang Mayo 12 at nang maisulat na nila sa balota ang pangalang Isko Moreno at Chi Atienza.
***
Personal na karanasan ni Ate Chi sa pagbisita sa lugar ng mahihirap sa Maynila.
Kung noon ay nagugulat siya, ngayon, nasanay na si Atienza na marinig ang masigabong sigaw ng suporta at pagmamahal kay Yorme Isko.
Laging ang sigaw, “Yorme, Yorme!”
At kasunod ang tanong, “Kailan kayo babalik, nasasabik na kami, sana eleksyon na para maiboto namin kayo!”
Sa mga nakakausap niya, sabi ni Ate Chi, nasasabik sila na maibalik ang sigla at pagmamahal ng gobyerno.
Madilim ang siyudad, at nais nila ng liwanag.
Sa magkatiket na Yorme at Chi, bumabangon ang pag-asa, may nakikitang liwanag ang Manilenyo.
***
Noong si Yorme Isko ang nasa city hall, naibalik niya ang ningning at glorya ng Maynila.
Nawala iyon, at nais niya mapaunlad uli, mabigyan uli ng mga bagong proyekto ng pagsulong ang Manilenyo.
Pangako niya na nagawa ni Isko noon: “Madaagdagan pa ‘yun ng mga programa. As I have said a while ago, we will be part of the nation-building concept ng national government so we will participate.”
Ang Maynila ang mukha ng Pilipinas.
Capital City ng Perlas ng Silangan — na nawala sa nakalipas na ilang taon.
Pangako ni Yorme, ibabalik niya ang Dangal at Ningning ng Manilenyo, “Ibabalik natin ang Taas-Noo na Kadakilaan ng Pilipino.”
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com
