TARGET COLUMN NI KA REX CAYANONG
ISA sa pinakamalalang problema sa Metro Manila ay ang matinding trapiko. Araw-araw, milyon-milyong Pilipino ang naiipit sa lansangan, nasasayang ang oras, at bumababa ang kalidad ng buhay dahil sa inefficient na sistema ng transportasyon.
Kaya naman, isang positibong hakbang ang bagong proyekto ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang mapatibay ang Intelligent Transportation System (ITS) sa Kalakhang Maynila.
Ang tatlong-taong Technical Cooperation Project (TCP) ay naglalayong gawing mas episyente ang pamamahala sa trapiko gamit ang makabagong teknolohiya. Kabilang dito ang pagpaplano ng ITS, pagbili ng mga bagong kagamitan, at pagtatayo ng traffic data management system upang gawing mas organisado at real-time ang pagtugon sa problema sa kalsada.
Higit pa rito, ang proyekto ay bahagi ng Comprehensive Traffic Management Plan ng pamahalaan, alinsunod sa limang taong Action Plan on Traffic Management ng MMDA at mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila. Suportado rin nito ang iba pang mga proyektong pang-imprastraktura na may tulong mula sa JICA, gaya ng Metro Manila Subway at North-South Commuter Railway, na parehong may layuning gawing mas episyente at mabilis ang transportasyon sa bansa.
Samantala, isa sa pinakamalaking pasanin ng mga Pilipino ay ang mataas na presyo ng kuryente.
Sa katunayan, ang Pilipinas ang may ikalawang pinakamataas na electricity rate sa buong Asya, isang hadlang hindi lamang sa pang-araw-araw na gastusin ng mamamayan kundi pati na rin sa pagpasok ng mga negosyo at dayuhang mamumuhunan.
Kaya naman, isinusulong ni dating Interior Secretary at kasalukuyang senatorial aspirant Benhur Abalos Jr. ang pagtanggal ng Value Added Tax (VAT) sa kuryente bilang solusyon upang mapababa ang presyo ng kuryente at mapalakas ang ekonomiya.
Mahalaga ang hakbanging ito dahil ang mataas na singil sa kuryente ay may domino effect sa iba’t ibang sektor. Tumataas ang gastos sa tubig, transportasyon, at pangunahing bilihin, na lalong nagpapahirap sa mga ordinaryong Pilipino.
Bukod pa rito, ang mataas na electricity rate ay isang malaking sagabal sa pagtatatag ng mga manufacturing at car production facilities, na nangangailangan ng malaking konsumo ng kuryente upang mapatakbo ang kanilang operasyon.
Hindi ito ang unang pagkakataon na lumaban si Abalos laban sa VAT sa kuryente.
Noong ika-13 Kongreso, bilang isang mambabatas, tinutulan na niya ang pagpataw ng VAT sa kuryente at produktong petrolyo.
Sa panahon ngayon, kung kailan maraming Pilipino ang nahihirapan sa mataas na presyo ng bilihin at patuloy na bumibigat ang gastusin sa kuryente, muling nabibigyan ng importansya ang panukalang ito.
