Sa Araw ng Kagitingan BENEPISYO PARA SA NAMATAY NA MGA SUNDALO, PINAMAMADALI

PINAMAMADALI ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pagkakaloob ng nakalaang mga benepisyo para sa pamilya ng mga sundalong nasawi habang tumutugon sa kanilang tungkulin.

Ipinahayag ito ni Pangulong Marcos sa harapan ng mga benepisyaryo ng Comprehensive Social Benefits Program kahapon sa punong himpilan ng Armed Forces of the Philippines sa Camp Aguinaldo sa Quezon City kahapon kaugnay sa paggunita ng Araw ng Kagitingan.

Matapos na pangunahan ang Day of Valor rites sa Bataan nitong Miyerkoles ng umaga, tumuloy at pinangungunahan din ni Pangulong Marcos ang seremonya sa Camp Aguinaldo para sa mga benepisyaryo ng Comprehensive Social Benefits Program.

Ang programang ito ay isang government initiative na magbibigay ng iba’t ibang uri ng benepisyo at tulong sa mga pamilya ng uniformed personnel na nasawi at nasugatan habang nasa linya ng tungkulin.

Ayon sa Pangulo, lubha siyang nalungkot nang malaman na naantala ang pagkakaloob ng dapat sanang benepisyo ng dahil lamang sa “complicated” documentary requirements.

“Kaya’t nagtanong po ako at tinatanong ko sa kanila, ‘Ito bang mga benepisyo na ating ipinapangako sa mga nagseserbisyo para sa atin, ito ba ay nabibigay nang tama? Ito ba ay nabibigay nang mabilis?’ Eh medyo nalungkot ako dahil ang sagot, ‘Hindi pa. Hindi ba naibigay,'” pahayag pa ng AFP commander-in-chief.

Napag-alaman na nadismaya ang Pangulo nang malaman niyang delay ang pagkakaloob ng mga benepisyo sa pamilya ng ‘men in uniforms’ na nasawi sa pagtupad ng tungkulin, dahil sa mahabang proseso na pinatatagal pa ng mga kumplikadong documentary requirements.

Kaya ipinag-utos nito na pabilisin ang pagpapalabas nito sa pamamagitan ng streamlining sa proseso.

“Kaya’t ang aming ginawa ay sabi ko, kami na, tayo na ang magbuo ng mga dokumento. Tayo na ang mag-ayos ng kanilang mga pangangailangan upang maging mas makabuluhan ang ating selebrasyon sa Araw ng Kagitingan, upang mas mabibigyan ng kahulugan ang ating ginagawa ngayong araw na ito. Dapat sa araw na ito maibigay na natin,” ayon sa Pangulong Marcos.

May 62 beneficiaries ang sumaksi sa paggunita ng Day of Valor sa Camp Aguinaldo na kinabibilangan ng pamilya ng uniformed personnel mula sa AFP, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, at Bureau of Fire Protection na nasawi sa ‘line of duty’.

Sila ay nakatakdang pagkalooban ng P500,000 at karagdagang P100,000 na magmumula naman sa Office of the President.

Kaugnay sa nasabing okasyon, nanawagan ang Pangulo sa lahat ng mga Pilipino na igalang ang pamana ng mga pambansang bayani sa pamamagitan ng pagpapakita ng pakikiramay, kabaitan, at pagiging hindi makasarili.

Hindi umano kailangan magbuwis ng buhay para maging bayani para sa bayan at para sa kapwa tao.

Sa naging mensahe ni Pangulong Marcos, nagbigay-pugay ito sa Filipino at American forces na lumaban nang buong tapang noong World War II, partikular na ang paggunita sa 1942 Fall of Bataan.

Binigyang-diin naman ng Pangulo na ang paggunita ay hindi lamang para alalahanin ang pisikal na lakas at katapangan na ipinakita ng mga lumaban noong World War II kundi hinggil sa kahalagahan ng ‘small acts of compassion’ na maaaring lumikha ng pangmatagalang pagbabago.

“Valor is not solely about strength and resolve in the face of adversity but also about small acts of compassion, generosity, and kindness that create meaningful ripples of positive change in our communities”.

(JESSE KABEL RUIZ)

82

Related posts

Leave a Comment