Sa first case ng UK variant ng COVID-19 143 CONTACTS TUKOY NA NG QC LGU

NATUKOY na ng Quezon City local government at kasalukuyan nang mino-monitor ang kalagayan ng 143 individuals na ikinukonsiderang contacts ng unang Filipino na nahawa ng bagong COVID-19 variant na mas kilala bilang UK variant.

Ayon kay Dr. Rolando Cruz, head ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), 55 sa kanila ay first-generation close contacts, o individuals na may dalawang metro ang layo sa nasabing infected person.

Ito ay kasama sa mahigit 30 healthcare workers at barangay workers na tumulong at nangalaga sa paglilipat ng pasyente mula sa quarantine hotel sa Manila patungo sa isolation facility sa Quezon City matapos lumabas na ito ay positibo sa COVID-19.

Ito ay limang araw bago ang pagkumpirma ng Philippine Genome Center na may UK variant nga ang nasabing pasyente.

Lahat umano ng mga natukoy na contacts ay sumailalim na sa test at naghihintay na lamang ng resulta sa quarantine facilities.

Ang mga miyembro naman ng pamilya ng pasyenteng nagpositibo sa UK variant, ay sumailalim na rin sa test bilang pag-iingat na pamamaraan bagama’t hindi sila naging contact nito, pagdating mula sa Dubai noong Enero 7.

Ang mga kasama namang dumating mula Dubai na nag-negatibo sa test at muling isinailalim sa swab test ay kasalukuyan nang nasa isolation facility.

Ayon pa sa report, ang UK variant ay mas nakahahawa kaysa original variant, kaya ang DOH ay ikinukonsidera na bilang close contacts ang lahat ng mga pasahero ng Emirates flight EK 332.

Napag-alaman, walo sa mga pasahero ng eroplano ay pawang mga residente ng Quezon City.

Ayon kay Dr. Cruz, halos lahat, maliban sa isang close contact passenger, ay na-re-swabbed na noong Enero 15 at kasalukuyang nang nasa isolation facility.

Ang iba pang mga pasahero ay isasailalim din sa swab test pagbalik nila sa Pilipinas galing UAE.

“We are still looking for that one close contact passenger because the phone number and address indicated were incorrect,” ani Cruz, sabay hiling ng tulong ng CESU sa PNP at iba pang ahensiya ng gobyerno.

Dagdag nito, ang 88 iba pang individuals ay natukoy bilang second-generation close contacts o “contacts of the first close contacts.”

Sinabi pa ni Cruz, ang 11 sa kanila ay na-swab na ngunit pinayuhan na manatili sa home quarantine sa loob ng 14 days.

“We’re now waiting for the results of all the samples we sent to the Philippine Genome Center yesterday and the other day,” dagdag niya. (JOEL O. AMONGO)

108

Related posts

Leave a Comment