(CHRISTIAN DALE)
HINILING ng mga alkalde sa Kalakhang Maynila sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na suspendihin ang polisiya na pinapayagan ang mga kabataang may edad 5 taon pataas na lumabas na ng bahay at makapunta sa ilang piling outdoor areas sa gitna ng banta ng mas nakahahawang COVID-19 Delta variant.
“Kami po ay nagbotohan kanina, kami pong mga alkalde, mga mayors.. nag-usap-usap po kami at hinihiling po sana namin sa IATF na baka maaari na ‘yong polisiya tungkol sa 5 year old pataas ay baka puwedeng isuspinde muna sa Metro Manila dahil nga po mayroon kaming kaso [ng Delta variant] rito at medyo tumaas po ang kaso rito,” ayon kay Metropolitan Manila Development Authority Benhur Abalos sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Lunes ng gabi.
Ang paliwanag pa ni Abalos, ang 5 hanggang 17 gulang ay hindi pa bakunado at ang mga ito aniya ay posibleng maging superspreader.
‘Ito lang po ang aking report Mr. President. Ang mga mayors ay nagkakaisa rito. iisa ang boses, iisa ang boto namin mga mayors po rito,” ayon kay Abalos.
Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay nakapag-detect ng 35 Delta variant cases, kung saan 11 ay local. Dalawa mula sa 11 local cases ay nasa Kalakhang Maynila.
Gayunman, tiniyak ni Abalos na handa ang Metro Manila mayors sa Delta variant.
Matatandaang pinayagang lumabas ng Inter-Agency Task Force ang mga 5-anyos pataas sa open-air spaces, gaya ng mga parke, mga restoran na al fresco, at mga lugar sa labas ng mga mall.
Aabot sa 16 dagdag-kaso ng Delta variant ang naitala noong Biyernes, kung saan 11 ay local cases.
Ang nasabing variant ang itinuturo sa pagdapa ng healthcare system sa India, at pagkakaroon ng surge sa ilang parte ng Southeast Asia.
Samantala, pag-aaralan pa ng pamahalaan kung babawiin ang resolusyon sa paglabas ng mga bata.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan ikonsidera ngayon ang presensya ng mas nakahahawa at mas mabagsik na Delta variant.
Ayon kay Vergeire, kailangan munang gumawa ng monitoring at assessment ang DOH sa mga restriction bago magbigay ng rekomendasyon sa Inter-agency Task Force.
Makiisa sa kampanya
Samantala, nanawagan si Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar sa sambayanang Filipino na makiisa sa kampanya ng gobyerno kontra COVID-19 at mahigpit pa ring sundin ang health protocols sa harap ng panibagong peligro.
Ayon kay PGen Eleazar, “Lahat tayo ay naging saksi sa mga naganap sa India at hindi natin gugustuhin na mangyari ang pananalasa ng COVID-19 sa ating bansa, lalo pa’t may mga kumpirmadong kaso at may mga namatay na nga sa ating bansa dahil sa Delta variant.”
Ayon sa heneral, seryoso ang banta ng Delta variant kaya mahalagang sundin ang mga alituntunin ng pamahalaan.
Unang nakita ang COVID-19 Delta variant sa India na sinasabing mas mabilis makapanghawa at ngayon ay kalat na sa mga kalapit bansa gaya ng Malaysia, Indonesia at maging sa Singapore.
Ayon kay Health Undersecretary Vergeire, kayang makahawa ng pasyenteng may Delta variant ng walong tao sa iisang pagkakataon.
Sa kanyang panig, sinabi ni PGen Eleazar na handa ang PNP sakaling magpatupad ng mas mahigpit na quarantine measure si Pangulong Duterte.
“I have tasked all police offices and units to coordinate closely with their respective LGUs so that they may come up with stringent measures to curb the spread of the variant,” ayon sa PNP Chief. (May dagdag na ulat si JESSE KABEL)
147
