MATINDING dagok sa kandidatura ng administration bets ang napipinto paglabas ng mandamyento de aresto ni Pangulong Rodrigo Duterte na nahaharap sa patung-patong na kaso kaugnay ng asuntong Crime Against Humanity na inihain sa International Criminal Court (ICC).
Paniwala ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, tiyak na madidiskaril ang kandidatura ng mga manok ni Duterte sa 2022 election sa sandaling ganap nang maglabas ng direktiba sa pag-aresto sa pangulo at mga kasapakat sa madugong giyerang inilunsad nito kontra droga.
Giit ng Bayan Muna, hindi uubra ang legal tactics ni Duterte na una nang nagsabing walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas makaraang kumalas ito sa Rome Statute taong 2018.
“Maybe it’s about time that Pres. Duterte abandons his legal tactic and submit his evidence and defense in the ICC that he did not order the killing of thousands of drug suspects all over the country,” anila.
Dagdag pa ng grupo, ito lang ang tanging paraan ni Duterte upang maiwasan ang pagkadiskaril ng kanyang mga kandidato sa susunod sa eleksyon.
“Otherwise, the ICC will decide to hold a trial and even issue a warrant of arrest against him. Should this happen, this will have a devastating effect on Pres. Duterte’s candidates in the 2022 elections, further contributing to the disintegration of the administration in the twilight of Pres. Duterte’s presidency,” dagdag pa ng Bayan Muna.
Kabilang sa nakikitang kaladkad sa asunto sa ICC ay ang PDP-Laban presidential bet na si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na noo’y director-general ng Philippine National Police (PNP) na nagpatupad ng Oplan Tokhang at madugong drug war na ikinasawi ng mahigit 6,000 katao.
Kumbinsido rin ang grupo na kahit palitan si dela Rosa sa pagiging pambato ng partido ng pangulo, pihadong maaapektuhan din ito sa sandaling lumabas ang ICC warrant of arrest para kay Duterte at iba pa. (BERNARD TAGUINOD)
