LUBOS ang pasasalamat ng AKO-OFW party-list matapos makalaya ang nominee nito na si Dr. Joseph Rivera at iba pang Pinoy sa Qatar at makasamang muli ang kanilang pamilya.
Ito’y kasunod ng pagkakakulong ng mga ito dahil sa ilang paglabag o ang pagsasagawa ng ‘illegal gathering’ nang walang permit mula sa gobyerno ng naturang bansa.
Sa ilalim kasi ng Qatar’s Law No. 18 of 2004, ang anomang pagtitipon na walang pahintulot ay mahigpit na ipinagbabawal.
Ayon kay AKO-OFW nominee Dr. Joseph Rivera, nagpapasalamat siya sa pamahalaan partikular na sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), Philippine Embassy at Migrant Workers Office sa Doha, dahil sa legal support, essential goods at cash allowances na ipinamahagi ng mga departamento para makapiling nila ang kanilang pamilya matapos ang pagkakadetine.
Ani Rivera, saludo rin siya sa justice system ng Qatar dahil sa pagbabantay at pagtingin bilang pantay habang gumugulong ang proseso ng naturang insidente. Ngunit nilinaw nito na walang rally na naganap sa kanilang pagtitipon taliwas sa mga kumakalat na impormasyon kung bakit sila nahuli.
Aminado si Rivera na nagkaroon ng beach picnic camping at parehas na nakasuot ang mga ito ng damit na may pangalan ni former president Rodrigo Duterte ngunit hindi para magsagawa ng kilos protesta sa mismong kaarawan ng dating pangulo. Dahil dito, binibigyang diin ng AKO-OFW party-list na hindi lamang sa iisang partido kaya makisama ng AKO-OFW bagkus ay nakikisama at sumusuporta ito sa sinomang namumuno nang tapat sa bayan lalo na sa mga Pinoy worker.
