KINILALA at pinarangalan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang law enforcement agencies sa kanilang tagumpay laban sa ilegal na droga sa bansa sa nakaraang halos 6 na taon.
Sa seremonya sa Kamara, ginawaran ng plake ng pagkilala ang Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA).
Nagsanib puwersa ang House Committee on Public Order and Safety na pinamumunuan ni Masbate Rep. Narciso Bravo Jr., at si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ng House Committee on Dangerous Drugs, sa pagkilala sa nabanggit na mga ahensya.
“These agencies have conducted 35,612 operations and arrested 3,806 high-value drug personalities,” ayon kay Rep. Jorge Bustos. Umabot sa P16.47 bilyong halaga ng droga ang nakumpiska noong 2021 lamang.
Magugunitang sinimulan ang Oplan Tokhang nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte bilang pangulo noong 2016 at nilinis umano ang mga lansangan sa mga drug addict.
Naging dahilan umano ito kaya tumatag ang peace and order, hindi lamang sa mayayamang lungsod sa bansa kundi sa mga probinsya at mga liblib na lugar.
Ikinatuwan naman ni PDEA Director General Wilkins Villanueva ang nasabing parangal lalo na’t ginagamit umano ng mga kritiko Ang kanilang war on drugs para sa kanilang political interest.
“You’ve always championed the cause of those who were victims of illegal drugs. Maraming salamat po at napunta na po sa Committee on Appropriations ang Magna Carta bill ng PDEA,” ayon kay Villanueva. (BERNARD TAGUINOD)
